Advertisers

Advertisers

PAG-ISIPAN ANG PAGPAPASYA

0 4

Advertisers

May hugis na ang usaping nasa sa senado at ganap ang kampihan sa uri ng pagtatanong at tanong na ibinabato ng mga hukom-senador. Ganap na masasabi na walang dapat kinikilingan ang mga hukom-senador higit ang punong tagapagpaganap sa usaping inihain sa kanilang tanggapan. Sa ilang araw ng pagdinig, silip ang pagkiling ng ilang hukom-senador higit ang magkapatid mula sa BGC, maging ang punong-tagapagpaganap na hinahayaang gumamit ng mahabang oras ang magkapatid sa pagtatanong sa mga saksing inihaharap ng taga-usig.

Sa pagmamasid, ‘di mawala ang kaba sa salang pagkiling ng punong tagapagpaganap sa usaping nasa harap, higit ang pagpapaubaya sa mga hukom-senador na makiling sa abalang pangulo na magamit ang mahabang minuto o oras sa pagtatanong kontra sa hukom-senador na ibig makuha ang katotohanan sa maigsing panahon o oras na inilalaan. Nakakabahala at uulitin, makiling sa maraming pagkakataon ang Keso sa kampo ng inuusig sa pagmamasid na ginagawa sa pagdadala sa usapin ng pagpapasipa kay Inday Salakay. O’ nagpapahiwatig ng kagalingan na maaaring magamit sa ibang pagkakataon kung ibig ng kasalukuyang pamahalaan o kung mabago ang regla o ang lider ng bansa. Ganap na pag-ingatan ang makiling na tindig ng punong tagapagpaganap na maaaring pagsisihan sa kinabukasan, paalala lang po.

Sa likod ng tindig na dapat na walang pagkiling, silip ang kampihan at walang nakakatiyak kung masisipa ang nanay ni Mary Grace Piattos bilang abalang pangulo at makakatakbo sa panguluhan sa ‘28. Ngunit iisa ang malinaw, may anomalya’t pagmamalabis na naganap sa tanggapan ng abalang pangulo at dating kalihim ng DepEd. Sa totoo lang, ang mga tahimik na mga hukom-senador ang higit na nagbibigay ng kaba kay Mang Juan na ‘di mahugisan ang tindig, At sa dulo ng paglilitis at panahon ng pagpapasya mababatid ang tindig, para sa buktot na mapag-imbot o sa katarungan at kagalingan ng bayan ang pasyang gagawin.

Sa pag-usad ng usapin na dinidinig ng hukom-senado, hindi maalis sa balana ang kaba at ang paghahanap ng patas na pagdinig at lumabas ang katotohanan sa huli. Walang ibang nais, ngunit ‘di ibig ang maghintay sa hatol na may pagkiling dahil ang hanap, ang ganap na katotohanan na pananagutan ng may sala sa bayan. Ang hatol na ibibigay ng mga hukom-senador ang magtutulak sa bansa sa panibagong yugto ng kasaysayan na umiiral ang katarungan sa bansa maging sino ang masaktan. Muli, ang hatol na nakabatay sa katotohanan ang ibig maganap at hindi ang hilaw na hatol na pagsisihan sa darating na panahon. Walang pagnanais na mahatulan ang walang sala ngunit ang ‘di makamit ang katarungan na hanap ni Mang Juan na matagal na nagtitiis sa garapalang nakawan sa pamahalaan, sa bayan ang dapat isa alang-alang sa hatol na gagawin.

Muli, hindi mawala ang pag-aagam agam ni Mang Juan na ang paghahatol sa usapin ng hukom-senado na makiling sa abalang pangulo na tila makakahulagpos sa salang gawa. Sa palitan ng mga pahayag o pagtatanong ng mga hukom-senador hindi matatwa na iilan na masasabi ang tindig sa kung saan panig ang hatol na gagawin. Hindi mabibigla sa dalawa, tatlo, apat hanggang limang hukom-senador na ala pa mang bilangan ng hatol silip na papanig sa pagpapawalang sala sa nasasakdal. Sa uri ng pagtatanong na ibinabato sa mga saksi na iniharap ng mga taga-usig, ganap ng silip ang linya ng paghahatol na gagawin. Samantala, sa mga hukom-senador na alang kibo sa nagaganap sa hapag, ‘di mawari ng bayan ang hatol na gagawin ngunit ganap na nagpapakaba sa maraming Pinoy sa kung ano ang tindig sa usapin.

Wala pa bilangan sa pasyang gagawin ng hukom-senador tila may bilang na mapapawalang sala ang nasasakdal sa tindig- o pag-upong ginagawa ng mga hukom-senador. Sa talastasan nagaganap, ang walang kibong hukom-senador ang ganap na hahatak ng pasya na inaasahang magbabago ayon sa gagawing pahayag ng punong ehekutibo sa susunod na mga araw, SONA. Ang SONA na magaganap ang tunog na magbabago ng tono ng ilang hukom-senador kung saan tutungo ang usapin na magdadala sa pasya ng hukom-senado higit sa senador na muling papalaot sa susunod na halalang Pambansa. Ang malinaw na mensahe ng punong ehekutibo ang basbas na susundin ng mga hukom-senador na uunahin ang sarili at pamilya sa usaping nakasalang.

Ang malinaw na babanggitin ng pangulo ang magtatakda sa lakad at magsasabi kung sino ang sasama o ang maiiwan. Ang malinaw na pahayag ang gabay sa pagpanig na gagawin ng mga hukom-senador. Sa totoo lang, walang ‘di malinaw na pahayag ang magaganap sa SONA ng punong ehekutibo na magbubunga ng kagalingan ng bayan o maglalagay sa pamilya sa alanganin sa darating na panahon. Jun Singhot, huwag alisin sa isip at pandama ang asal at usal na ipinapakita ng abalang pangulo na babala sa kinabukasan ng bansa at pamilyang iniingatan. Ang kabatiran sa pagiging mapagtanim ng abogadong magsasaka ang isaalang alang sa pahayag na gagawin. Ang ‘di pagbabalik sa nakaraan ng opisyal na nakasalang sa usapin ang salang gagawin na aanihin sa kinabukasan.

Sa mga hukom-senador, malayo pa ang tahakin subalit batid na may pasya sa isip na tindig sa huling yugto ng pagdinig. Huwag alisin sa isip na ang tamang pasya ang magdadala sa bansa sa kagalingan na lilinangin ng salinlahi sa kanilang panahon. Ang pagbabalik sa kasaysayan ang guro sa hinaharap na aanihin ang matamis na bunga na napagnilayan o pinag-isipang pasya. Ang pagpapasyang pinag-isipan higit sa kagalingan ng bansa ang uukit sa ngalan ng bawat hukom-senador na balikbalikan ng salinlahi. Umaasa na ang pasyang gagawin ang binhi sa katotohanan na magbabago sa takbo ng Lipunan tungo sa marangal na paglilingkod. Batid sa kagalingan ng puso at higit na pananaigin ang kagalingan ng bansa natin.

Maraming salamat po!!!!