3 American sex offenders pinigil sa NAIA at Cebu airports
Advertisers
TATLONG sex offenders ang hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa international airports ng Manila at Cebu.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na kabilang sa mga hindi pinapasok ng bansa noong January 10 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 ang American national na si Rolando Camama, 73, na dumating sakay ng China Airlines flight mula sa Taipei.
Hinarang din sa parehong araw ang isa pang American national na si Kenneth Ray Miller, 56, na dumating sakay ng China Eastern flight mula Shanghai.
Samantala sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA), pinigilan ng mga tauhan ng BI na makapasok ng bansa ang ikatlong Amerikano na isang 79-anyos at nakilalang si Kenneth Anthony Mulford, na dumating mula Dubai noong January 11.
Ang tatlo ay kinilala ng US government bilang mga registered sex offenders (RSOs).
Ang sex offender registry ay isang sistema na ipinatutupad sa maraming bansa kung saan pinapayagan ang kanilang gobyerno na bantayan ang galaw ng mga sex offenders. Ang RSOs naman ay mga taong nahatulan sa krimen na may kinalaman sa sexual offense, kabilang na ang rape, sexual assault o child molestation.
Ang tatlong sex offenders ay agad na pinasakay sa sumunod na flight pabalik ng kanilang bansa. Sila ay kabilang na rin sa listahan ng BI’s blacklist of unwanted aliens. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)