Advertisers
NASAWI ang anim katao at ilang iba pa ang sugatan sa malagim na aksidente sa national highway sa Barangay Paglaum, Dumalinao, Zamboanga del Sur, Martes ng tanghali, Setyembre 1, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office Public Information Office (ZSPPO-PIO), bumiyahe ang isang silver metallic passenger van mula Ipil, Zamboanga Sibugay patungong Pagadian City nang umano’y mawalan ng kontrol ang driver.
Sa lakas ng pagkakabangga, sinalpok ng van ang isang nakaparadang wing van at ilang motorsiklong nakahinto sa gilid ng kalsada.
Lima sa mga biktima ang idineklarang patay sa lugar ng insidente, habang isang sugatan ang kalauna’y binawian ng buhay pagdating sa ospital.
Ilang iba pa ang nagtamo ng iba’t ibang pinsala at agad na isinugod sa mga pagamutan sa Pagadian City para sa agarang lunas.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at nasugatan habang isinasagawa ang abiso sa kanilang mga pamil-ya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente at iba pang detalye kaugnay ng insidente.