Mensahe ni PBBM isapuso, panawagan ni Mayor Honey
Advertisers
“SANA po ay isapuso natin ang mga nabanggit ng ating Pangulo.”
Ito ang panawagan ni Mayor Honey Lacuna sa lahat mga opisyal ng lungsod at mga kawani, kung saan binanggit niya ang mensahe ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa ginanap na Bagong Pilipinas kick-off rally sa Rizal Park noong Linggo na dinaluhan ng alkalde, kasama ang ilang government officials.
Partikular na sinipi ni Lacuna ang mensahe ng Pangulo para sa mga manggagawa sa gobyerno: “Bawal ang tamad at makupad… wala dapat mabagal at sagabal sa serbisyo… palitan ang sungit ng ngiti …we are servants of the people and we are not the lord.”
“Mga binanggit ng ating Pangulo na sa tingin ko ay akmang-akma sa araw-araw nating ginagawa sa ating lungsod, particularly sa ating mga kawani,” saad nito.
Naniniwala ang alkalde na ang positibong pagbabago ay dapat na magsimula sa pamahalaan,sa parehong national at mas lalo na sa lokal.
Ayon kay Lacuna, ang mga paalalang inilabas ni President Marcos ay kapareho din ng mga madalas na panawagan sa Manila government workers na tupdin, tuwing flagraising ceremony na ginagawa tuwing Lunes ng umaga.
Bilang karagdagan, ipinunto ng lady mayor na ang mas episyenteng serbisyo ay maihahatid kung ito ay ginawa ng mabilis at may positibong pananaw.
“Mas epektibo tayo kung mabilis na maipaparating ang mga programa, proyekto at serbisyo sa ating mga kababayang Manilenyo. Pag maganda ang disposisyon paggising sa umaga, buong araw na mas maganda ang pakikitungo sa lahat ng iyong makakaharap,” sabi nito kasabay ng pagbibigay diin sa kahalagahan ng naglilingkod ng nakangiti.
“Sana po ay isapuso natin ang mga nabanggit niya (President Marcos)… ito rin ang lagi nating sinusumpaan tuwing unang Lunes ng bawat buwan. Gaya ng lagi kong sinasabi na maliban sa kani-kaniyang pamilya, umaasa sa atin ang ating mga kababayan at higit sa lahat, ang ating mga kapwa taga-Maynila,” dagdag ni Lacuna. (ANDI GARCIA)