Advertisers

Advertisers

SUMBATAN

0 1,217

Advertisers

MINASDAN ang mga batang naglalaro sa liwasan na tunay ang saya’t walang iniisip na kung ano. Nakakahawa ang palitan ng tawana’t halakhak na naglalarawan ng kasiyahang walang kapalit. Walang alalahanin sa buhay dahil sa pag-uwi’y nakakatiyak na nariyan si nanay at tatay na handa na ang lahat liban sa takdang aralin na dulot ng gurong nais ang maayos na kinabukasan. Masaya ang palitan ng biruan, tirahan ng mga pamatong uso sa kasalukuyang mga laro. At ng dumilim ang gabi nagpalit ng laro, gumuhit ng parihabang tatakbuhan at lulugaran ng mga batang maglalaro ng patintero. Sa paglalaro dama ang saya higit sa palitan ng asaran na maging ang nanonood ay nalilibang. . Sa kabilang banda, silip ang husay ng mga manlalaro sa pagtawid mula unahan hanggang likuran at balik sa unahan ng ‘di matataya o nahahawakan ng mga nagbabantay ng linya. Dahil sa husay ng isang grupo kita sa mukha ang pagkapikon ng kabilang na dahilan upang ihinto ang paglalaro.

Ang maghapong paglalaro’y natapos ng may samaan ng loob dahil ‘di nabago o napalitan ang grupo ng mga batang mahusay sa tawiran. Samantala ang kabilang grupo’y nangako na babawi sa kinabukasan. Sa muling paghaharap tila dinapuan ng kapalaran ang kabilang grupo at nabago ang regla na kung saan ang mga dating taya ang siya tatawid sa mga linyang tinatauhan ng kabila. Sa husay sa pag-iwas mahabang oras ang ginugol ng grupo ng taya bago magpalit ng pwesto. At ng nagpapalitan, nagkaisang umayaw kabilang grupo na dahilan upang ‘di mababawi ang kabila. Sa pagkakataong iyon, nagkapikunan ang dalawang grupo at umusal na ‘di na makiki paglaro ang una sa pangalawa. Sa pagkakapikunan, lumabas ang palitan ng tukso na nagpainit sa kantiyawan. Sa palitan ng tukso, may mga nasabing “Below the Belt” hindi nais ng magkabilaang grupo. At nagkaiyakan na tuwirang nagputol ng relasyon bilang magkakalaro.

Ang pagkakaputol ng relasyon bilang mga magkakalaro, naging pili ang pagtitipon at pagsasama sa mga gawain. May pagtatangi ang bawat kasapi sa grupo sa kadahilanang dala ang inis sa isa’t – isa. Ang dating pagkakaibiga’y nauwi sa pagiging matalik na magkaribal saan mang punto ng gawaing pampamayanan. At hindi naganap ang dating pag-unlak sa ginagawa o nilalaro na larawan ng paglaki ng bitak sa pagkakaibigan. Sa totoo lang, silip sa pagkatao kahit mga bata ang maling asal ang ugat na ‘di pagkakaunawaan. Sa pagkakahiwalay, nagkaroon ng sumbatan ang mga bata na nagpalubha sa alitan na maging sa paaralan at ang mga kaklase’y dawit sa usapin. Ang masakit, ang akusasyon ng pandaraya sa laro’y bitbit sa kalooban na nagpatingkad sa kampihan. Lumawaka ang lamat ng ‘di pagkakaunawaan na umabot sa palitan ng maanghang na sumbatan. At totohanang nawala ang panahon ng tawanan habang sabay-sabay na naglalakad tungo sa paaralan. Nawala ang nakaraang panahon na magkalaro’t magkakaibigan. Sa huli, dead-mahan na lang na may lihim na galit.



Lumaon ang panahon ang matamis na pagkakaibiga’y mauuwi sa pagkakagalit na maaaring ikapahamak ng mga kasapi ng bawat’ grupo. Malinaw ang kampihan maging sa mga gawaing pampaaralan na nauwi sa personalan ang dating. Naging magkaribal ang mga batang dati’y amoy araw ngunit ‘di alintana. Hindi na ibig magsamang muli sa halip ang palitan ng sumbatan ang namumutawi sa bibig ng bawat kasapian. Sa kabilang banda, napansin ni Mang Juan ang pagkakahalintulad ng sitwasyon ng mga bata sa mga tao sa pamahalaan.

Sa tao sa pamahalaan higit ang mga opisyal ng dati at kasalukuyang liderato, may bitak ang relasyon ng dalawang grupo sa dahilan ng laro na tulad ng paglalarawan sa itaas. Sa pagbaba ni Totoy Osla sa pwesto, hindi nagawang ipasubo kay Pektus ang tindig laban sa droga ng dating pamahalaan. Sa halip, umiba ng pihit at nakipagmabutihan sa kinasusuklamang tao ni Totoy Osla na si dating Sen. T. na nagsampa ng kaso sa International Criminal Court (ICC) sa laban kay Toto Osla. Sa pagpihit ng ibig na makalaro ‘pinadama ni Totoy Osla ang tampo, at ipinahayag na tuwirang binangit ang pagkasugapa ni Boy Pektus sa bawal na gamot. Tuwirang sinabi na may ipinakitang kalatas ang dating PDEA na nasa talaan ang ngalan ni Boy Pektus. Subalit pinabulaan ng PDEA ang pahayag at bangit na walang ganung dokumento.



Sa paglalahad ni Totoy Osla, bangit ang mga karanasan bilang dating pangulo na anim na taon lang maaring umupo sa puno ng Balite sa Malacanan. At ang isinusulong ng Kamara de Representante higit ni Ispiker Waray Buot na pag-amyenda sa saligang batas ay sala at maaring maging dahilan ng pagsipa sa pwesto kay Boy Pektus. Nagbabala si Totoy Osla na mahalintulad sa ama ang kasasapitan kung ipagpapatuloy ang ginagawang pagsusulong ng pag-aamyenda sa saligang batas. Karagdagan, bangit ni Totoy Osla na ang mga kakampi ni Boy Pektus sa Kamara’y mga mukhang pera at gamit sa distrito ang perang tangan sa pagsulong ng pekeng PI na pinalalakad kapalit ang ayuda para sa tao

Sa kabilang banda, bumalik ng bangit ang papaalis na si Boy Pektus na patungong Vietnam, na sabog o high sa bawal na gamot si Totoy Osla at imahinasyon ang bangit na nasa talaan ng PDEA ang ngalan. Maiksi ang pahayag ngunit malalim higit ito ang nasa poder na sinusunod ng sino man sa pamahalaan. Ang simpleng pahayag ang magsasabi na magpapahirap sa grupo ng IDG na sangain. Mabigat ang akusasyon ni totoy Osla, subalit mabigat ang balik sa oras na umusad ang pag-uusisa ng ICC na nakapasok na sa bansa. Ang pakikipaglaro ni Boy Pektus kay Sen. T at sa ICC, ang dahilan ng pagpatid ng pagkakaibigan ng Dabaw group sa anak ti’ Batac. Hindi si Boy Pektus ang taya sa sitwasyon sa halip, ito ang magtutulak kay Totoy Osla sa ICC. Ang pagpapa-ubaya sa ibang kalaro ang klarong pinagmumulan ng pagkabalisa ng grupo ng IDG. Sa pagbibigay sa kasalukuyang kalaro, ang talim na pumutol sa pising pwede itali sa huli.



Sa totoo lang, magkahalintulad ang dalawang kaganapan, ang pagkakaiba’y ang taya. Sa usapin ng mga batang nagkagalit, pagkakaibigan ang napatid na ‘di makompromiso ang interes ng bayan. Ang pagkakaibigan na nakatali sa sariling layon ang dahilan ng pagkakagalit. At ito’y kita kahit sa kilos ni Galema’t Inday Siba, ibaba ang mga kilay, please. Samantala, ang sumbatan ng Unithieves este uniteam, ganap na interes ng bayan ang maisasalang dahil gagalaw ang pera’t sandatahan na kung sino ang dapat panigan. Malinaw na sari-sariling layon ang pasan at ‘di ang sa bayan. Ang palitan ng paratang o sumbatan ang mababaw na dahilan dahil ang naglagot sa pagkakaibigan ang interes ng salaping tatangan o tangan. At ito’y hahantong sa malalim na hidwaan ng mga sakim sa kaperahan. Ang tanong, bakit si Mang Juan ang papasan sa hidwaan sa pwestong tangan samantalang gutom ang bayan.

Maraming Salamat po!!!