Advertisers
INAALALA pa rin ang kanilang kapakanan, muling pinalawig ni Pangulong Bong Bong Marcos ang pagkakataon para sa mga jeepney drivers at operators na sumali sa consolidation o makapag-tayo ng kooperatibang para mapabilang sa Public Utility Vehicle Modernization Program.
Dapat ay February 1, tapos na ang taning sa mga PUV na di naka-pag-buo ng kooperatiba, ngunit isinang-alang-alang pa rin ni PBBM ang mga naiwan upang makapag-isip-isip at mag-desisyon nang sumali sa consolidation.
Hanggang April 30, ang huling taning para sa mga maaari pang maka-sali sa PUVMP. At sana, sabi nga ng aking kaibigan na Presidential Adviser on Poverty Alleviation na si Secretary Larry Gadon, dapat ay maki-isa na ang mga tsuper at operator sa gobyerno sa PUVMP nito.
Punto ni PAPA Secretary Gadon, maunawaan sana ng mga tsuper ang hangarin ng pamahalaan na mapabuti ang kanilang sektor, kaya inihain ang modernisasyon. Wala naman daw mahihirapan dito kung makikisama ang lahat ng tsuper at operator.
Ang iba nga sa mga tumalima na ay parang nababagot na, sa tila walang katapusang pagpapalawig ng ‘deadline’ para sa consolidation. Ika-walong extension na kasi itong ipinahayag ni PBBM.
At ang mayroon ng mga kooperatiba at mga modernong jeepney ay nahihirapan pa rin makipagkumpetensiya sa mga karag-karag na traditional jeepneys sa mga lansangan, ganoong dapat ay nagbubunga na nang maganda ang kanilang pag talima sa PUVMP.
Talagang last na, last na, naman na, itong huling extension, na nanggaling pa kay Pangulong Marcos. Naramdaman kasi ni PBBM ang kalagayan ng mga maiiwan ng PUVMP kaya nag-desisyon ito na magbigay pa ng huling pagkakataon sa huling extension.
Dahil dapat naman talaga na umusad ang modernisasyon ng ating jeepney system. 2017 sinimulang itulak ang programa, ngunit sa dami ng mga tumututol ay humaba nang humaba ang diskusyon, nagkagirian pa nga sa mga nagsitigil pasada, di makausad ang programa.
Ngayong may huling-huli nang palugit para ang lahat ay makasama na sa modernisasyon, siguro naman ay sasama na at sasali ang mga naiwanan ng PUVMP.
Para din naman sa kabutihan ng lahat ang iibubunga ng PUVMP, di lang para sa mga tsuper at operator, higit sa lahat ay para sa mga mananakay.
Sa mga pasaherong walang angal kahit na magtaas pa ng pamasahe, makarating lamang sa patutunguhan ng maayos at di amoy usok. Para na Mama! Sali na sa PUVMP! Sabi nga ni PAPA Gadon.