Advertisers
HABANG nagkakagulo ang ating mga pulpulitiko sa kontrobersyang idinudulot ng people’s initiative (P.I.) na kinakantiyawan ngayon na politicians’ initiative, patuloy naman ang paghihirap ng marami nating mga kababayan.
Sa totoo lang mas makatutulong sana sa pag-unlad ng ating bansa kung sa halip na bangayan ay magtrabaho na lang para sa kapakanan ng ating mga kababayan ang mga P.I. na pulpulitikong ito.
Base kasi survey na isinagawa ng OCTA Research na isinagawa noong Disyembre 10-14, 2023, tumaas ang bilang ng mga Pinoy na nakararanas ng self-rated involuntary hunger o mga taong walang makain.
Lumalabas na ang 14 porsyento o 3.7 milyong pamilya na nakaranas ng pagkagutom sa huling quarter ng taong 2023, ay mas mataas kumpara sa 10 porsyento o 2.6 milyong pamilya noong Setyembre 2023.
Ang Visayas ang nakapagtala ng mataas na self-rated hunger na may 19% sumunod ang Mindanao na may 18%, samantalang ang Balance Luzon at National Capital Region na may tig-11%.
Kung nakakaintindi ang mga pulpulitikong ito, dapat sana ay wala silang inaatupag kundi ang magtrabaho para sa kapakanan ng mga tao.
Ang kaso, puro pansariling interes ang iniintindi nila kaya kahit sa isang taon pa ang eleksyon ay kanya-kanya na silang posisyonan ngayon pa lang.
Sa totoo lang ay sawang-sawa na ang mga tao sa istilo nilang ganito, kaya lang wala naman silang mapagpilian.
Kahit sino ang iboto nila laging palpak ang resulta at magaling lang ang mga pulpulitiko na mangako sa panahon ng kampanya, pero kapag naihalal na ay hindi na nila kilala kahit ang mga tumulong sa kanila.
Kaya naman importante talaga na huwag na lang nating iasa ang ating buhay sa mga namumuno sa atin, dahil kapag ganun ang ginawa natin ay tiyak na sa kangkungan ang bagsak natin.
Pero importante pa rin ang mga survey na gayan ng ginagawa ng OCTA para kahit paano ay mapaalalahanan ang ating mga pulpulitiko na may mas mga importante pa silang dapat pagtuunan ng pansin at hindi lang ang sarili nilang kapakanan.
Iyon ay kung iintindihin at naiintindihan nila ang mga resulta ng survey na gaya ng ginawa ng OCTA.
Abangan!