Advertisers
ARESTADO ang apat na suspek sa panununog ng isang modernong jeepney sa Catanauan, Quezon nitong Miyerkules ng gabi.
Nakadetine na sa Catanauan Municipal Police Station ang mga suspek na sina Ernesto Toriado Orcine, 50, sales manager at taga-Bacoor, Cavite; Noel Cervantes Mariano, 54, civil engineer ng Brgy. Tagpus, Binangonan, Rizal; Dominic Valerio Ramos, 28, civil engineer ng Brgy. San Fernando, Cabiao, Nueva Ecija; at Jade Francis Cabales Castro, 46, film director, screenwriter at producer ng Fifth Condominium, San Rafael St., Capitolyo, Pasig, City.
Sa Facebook post ng Police Regional Office 4A (PRO4A), inaresto ang mga suspek sa Mulanay nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya na nag-check in ang mga ito sa isang resort sa Brgy. Butanyog.
Positibong kinilala ang mga suspek ng mga testigo na sila ang sumunog sa nasabing jeepney sa national road ng Brgy. Dahican nitong gabi ng Miyerkules, Enero 31.
Patungo sa Poblacion, Catanauan ang nasabing jeep nang harangin ng grupo. Pinababa ng apat na suspek ang driver, conductor at tatlong pasahero ng jeep bago ito sinunog, gamit ang gasera.
Ayon sa pulisya, pagkatapos ng panununog, kaagad tumakas ang mga suspek gamit ang isang kotse.
Nilinaw naman ni Area Police Command-Southern Luzon (APC-SL) chief Lt. Gen. Rhoderick Armamento na away sa pagitan ng modern jeepney cooperative at local transport group ang motibo sa insidente.
Habang ginagawa ang balitang ito, wala pang inilalabas na impormasyon ang pulisya kung paano nasangkot ang film director.