Advertisers
ISA sa mga tanggapan sa local government unit (LGU) na hindi masiyadong nabibigyan ng pansin ay ang Public Employment Service Office (PESO).
Hindi tulad ng ibang mga opisina gaya ng Business Permits at Treasury ay hindi masiyadong prominente ang papel ng PESO sa ating mga LGU.
Pero sa totoo lang ay mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng PESO sa larangan ng pamamahala sapagkat maaari silang makatulong sa mga kababayan nating walang trabaho.
Tungkulin kasi nila na magbigay ng assistance sa mga jobseeker at i-refer sila sa mga kumpanyang nangangailangan ng kanilang serbisyo at talent.
Ilan sa mga tinutulungan nila ay ang mga OFW na gustong magtrabaho na lang dito sa bansa at maging mga estudyante na naghahanap ng part-time jobs.
Ang problema ay hindi masiyadong nagagamit ng marami sa ating mga kababayan ang PESO dahil na rin sa kakulangan ng sapat na exposure at publisidad.
Tahimik lang kasi ang tanggapan nila at mas gusto yatang under the radar lang ang kanilang ginagawang trabaho.
Kaya naman maganda ang memorandum of agreement na nilagdaan kamakailan nina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Labor Secretary Bienvenido Laguesma at PESOMAP President Luningning Vergara.
Layunin ng MOA na palakasin pa ang mandato ng PESO at itatag ito sa bawat munisipyo, lalawigan at siyudad sa buong bansa.
Gusto nilang gawing takbuhan ng mga kababayan nating walang mga trabaho ang PESO upang sa ganoon ay mabawasan ang bilang ng mga jobless sa bansa.
Sa kanyang mensahe , sinabi ni Secretary Abalos aang kahalagahan ng pagkakaroon ng trabaho bilang isa sa mga nagpapalakas ng ekonomiya sa isang bansa.
Aniya kapag mas maraming may trabaho sa isang lugar, ibig sabihin nito ay mas maunlad at matatag ang ekonomiya doon.
Nanawagan din siya sa mga namumuno sa mga LGU na iwasan ang pulitika sa pamimili ng itatalagang mga PESO officer.
Pinayuhan niya ang mga mayor at goberrnador na piliin ang may kakayahan talaga upang magampanan ng maayos ang kanilang tungkulin.
Sana naman ay iwasan na ng mga gobernador at mayor ang pulitika sa pagpili ng PESO officer upang sa gayun ay magkaroon ng continuity sa kanilang mga tanggapan.
Abangan!