Advertisers

Advertisers

LGU NA SANGKOT SA DROGA AT VICES, KASUHAN!

0 1,071

Advertisers

MALAYONG magapi ang mala-cancer na operasyon ng droga at illegal vices sa bansa kung hindi makikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) ang mga local government unit (LGU) na pinamumunuan ng mga alkalde ng mga siyudad at bayan na ang mandato ay pamunuan at subaybayan ang kani-kanilang mga kapulisan sa paglaban sa kriminalidad sa kanilang hurisdiksyon.

Sa kabalintunaan, marami sa mga punong ehekutibo ang hindi na nga nakikipag- tulungan sa PNP ay nagsisilbi pang hadlang at “tinik sa lalamunan” ng mga awtoridad pagkat marami sa mga ito ang pasimuno at sangkot sa pagpapatakbo ng kalakalan ng droga at vices sa kanilang mga siyudad at munisipalidad.

Ito ang isa sa suliraning tinalakay ng ilang miyembro ng Anti Crime and Vice Crusader group sa SIKRETA na nais iparating kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Department of Interior and Local Government Secretary (DILG) Benhur Abalos sa harap ng kabiguan ng pamunuan ng PNP na masawata ang pesteng kalakalan ng droga at illegal vices, lalo na sa kalakhang Luzon.



Nangunguna sa listahan ng naturang grupo ang Region 1-VI kung saan talamak ang bentahan ng droga na ang gamit na prente ay ang mga gambling den. Pinaka-malala ang peace and order situation sa Region 3, National Capital Region (NCR) at CALABARZON na ang paglobo ng kriminalidad ay bunsod ng laganap na bentahan ng droga, partikular na ang shabu at operasyon ng ilegal na pasugal.

Ang mga drug dealer ay kadalasan ding vice operator ng mga pergalan (perya at sugalan) Small Town Lottery con jueteng o bookies, sakla at iba pang uri ng bawal na pasugal. Gamit ding front ng mga bigtime drug pusher ang mga puesto ng burikian, pasingawan o paihian na nagkalat sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon para maitago ang kanilang drug trafficking activity.



Ayon din sa CALABARZON based Anti Crime and Vice Crusader Group, hangga’t hindi nakukuha ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. ang kooperasyon ng nakararami sa mga LGU ay mananatiling bigo ang kapulisan sa kanilang anti drug and gambling drive pagkat sa halip na makipagtulungan ang ibang mga alkalde ay siya pang pasimuno sa drug trafficking at operasyon ng illegal gambling at paihi.

Ang nakikitang remedyo ng naturang grupo ay ang papanagutin, pakasuhan ni Sec. Abalos ang mga LGU pati na ang mga barangay kapitan na mapapatunayang kumunkunsinte o dili ay kasabwat o sila pa mismo ang maintainner ng bentahan ng droga at pasugal sa kanilang area of responsibility (AOR).



Ibinigay na halimbawa ng naturang grupo ang talamak na operasyon ng bentahan ng shabu at operasyon ng STL con jueteng ng hindi kukulangin sa may 35 STL con jueteng operator sa siyudad ni Tanauan City Mayor Sonny Collantes na ang mga “high value target” ay mga lady drug/ gambling operator din na kinabibilangan ng isang alyas Cristy ng Brgy. Suplang, alyas Ms. Bagsic ng Brgy. Santor, Ms. Lilian at Ms. Annable ng Brgy. Sambat at Brgy. Pantay na Bata at Pantay na Matanda.

Ang mga ito ay kasama ng mga kalalakihang drug pusher at STL operator sina alyas Ocampo ng Brgy. Bagbag, Dimapilis, Ramil aka Baduy ng Brgy. Altura, Gerry ng Brgy. Balele, Rodel ng Sambat, Kon Burgos ng Brgy. Boot, Melchor at Ablao ng Brgy. Darasa at iba.

Hindi ang mga ito masawata o sadyang hindi sinasawata ni Tanauan Police Chief Lt. Col. Apolinario Lunar Jr? Kung tutuusin anila ay walang matinong tao ang naniniwala na hindi nakaaabot sa kaalaman ni Mayor Collantes ang nagaganap na kabalbalan sa kanyang siyudad. Talamak din ang operasyon ng STL con jueteng o bookies sa bayan ng Mabini, Ibaan, Sta Teresita, Calatagan at Talisay.

Sangkaterba naman ang saklaan sa mga bayan ni Maragondon Mayor Lawrence “Umbe” Arca; Amadeo Mayor Engr. Rodel John Dionisio; Noveleta Mayor Dino Reyes Chua; Magallanes Jasmin Angeli Maligaya-Bautista; Bailen (Gen. Emilio Aguinaldo) Mayor Dennis Glean; Naic Mayor Ruperto Dualan, Bacoor City Mayor Strike Revilla at Dasmarinas City Mayor Jennifer A. Barzaga.

Ang mga bangkero ng sakla sa mga bayan ng Maragondon, Amadeo, Noveleta, Ternate, Magallanes at Bailen na sina alyas Hero at Elwyn ay nagpapakilalang mga miyembro ng Governor’s Squad at kapanalig sa pulitika ng mga alkalde ng nabanggit na bayan. Sa bayan ng Naic ay ang lady drug pusher din na si alyas Maricon ang sakla operator; sa Bacoor City ay si Christian at sa Dasmariñas City ay si alyas Sgt. Lago. Milyones ang lingguhang inteligencia ang kinokolekta ni alyas Richard na nagyayabang naman na “bag man” siya ng tanggapan ni Cavite PNP Provincial Director Eleuterio Ricardo Jr.

Hindi man tuluyang malipol ay tiyak na malaki ang magagawang demoralisasyon o takot sa hanay ng mga protektor ng kailegalan kung magiging test case ni Sec. Abalos ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at admistratibo sa mga naturang local government executive kasama na ang kani-kanilang mga PNP Provincial director at police chief.

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144