Advertisers

Advertisers

HUWAG NG GULUHIN ANG PTFOMS

0 18

Advertisers

BINABATI natin ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa ilalim ni Usec Paul Gutierrez dahil sa masigasig na pagganap sa mandato nila na bantayan at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa buong bansa.

Masugid nilang sinusubaybayan ang bawat kaso ng pananakit o di kaya naman ay tuwirang pamamaslang sa mga kawani ng media, at tinitiyak na magkakaroon ng kalutasan ang mga kasong ito.

Kaya naman sa kabila ng patuloy na pagtatangka ng ilang mga grupong kriminal na takutin ang mga mamamahayag at sikilin ang press freedom ay hindi sila nagtatagumpay.



Nananatiling matibay at walang takot ang mga taga-media dito sa bansa na gampanan ang kanilang tungkulin dahil alam nila na nandiyan ang PTFoMS na kakampi nila.

At isa sa mga kasong tinututukan ng PTFoMS ay ang pamamaslang sa local broadcaster sa Misamis Occidental na si Juan “DJ Johnny” Jumalon.



Matatandaan na pinatay si Jumalon ng tatlong armadong suspek noong November 5, 2023, habang nagbo-broadcast at naka-livestream sa loob ng istasyon ng Gold 94.7 FM sa bayan ng Calamba.

Sa isang pahayag ay sinabi Usec Gutierrez na naniniwala sila na bilang na ang araw at madadakip at masasampahan na rin ng kaso ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Ricky,” Inteng” at “Boboy.”



At para mas mabilis na mahuli ang mga suspek ay nagpakalat ang PTFoMS ng 70,000 piraso ng wanted flyers sa ibat-ibang lugar sa lalawigan at maging sa mga kalapit lugar.

Mabuhay kayo diyan sa PTFoMS!

Siyanga pala, ano itong alingasngas na naririnig natin na plano raw magbuo ng Commission on Human Rights ng isang ‘online alert mechanism’ para sa media.

Tatawagin daw itong ALISTO at alinsunod sa mungkahi ng National Union of Journalists of the Philippines ay magtitiyak ng kaligtasan ng mga mamamahayag.

Bagama’t suportado natin ang anumang hakbang na magdadagdag ng proteksyon sa mga mamamahayag, subalit para namang malaking sampal ito sa PTFoMS kapag natuloy ang planong ito.

Baka sa halip na makatulong ay lalo pang magkaletse-letse ang hanay ng media dahil sa planong ito ng CHR at NUJP.

Gaya ng sinabi ko na ay maayos naman na nagagawa ng PFTFoMs ang trabaho nila kaya huwag na silang guluhin pa.

Hihimayin natin ang isyung ito sa mga susunod nating kolum.

Abangan!