Advertisers
NATAGPUANG walang buhay ang isang pulis tatlong araw ang nakalipas nang mapatay din ng hindi pa tukoy na mga salarin ang asawa nito.
Ayon kay Police Brigadier General Andre Perez Dizon, Bicol regional police director, kinilala ang pulis na si Patrolman Samuel Baruelo Jr., 31 anyos, na natagpuang patay 1:30 ng hapon na may tama ng bala ng baril sa ulo sa Barangay Buenasuerte.
Sa inisyal na imbestigasyon, umalis ng bahay ang biktima kungsaan ginaganap ang lamay ng asawa, para sana maligo ngunit hindi na nakabalik pa.
Hinanap ito ng mga kaanak at natagpuan ang duguang katawan sa creek.
Noong Lunes, Marso 4, binaril-patay ang kanyang misis na si Cheryl sa Barangay Bagumbayan, Masbate City.
Naglalakad pauwi ng bahay si Cheryl nang lapitan ng dalawang hindi pa tukoy na kalalakihan at pinaputukan ng malapitan sa ulo.
Narekober ng pulisya ang basyo ng bala at isang slug sa lugar.
Nakatalaga ang napatay na pulis sa 1st Masbate Provincial Mobile Force Company.
Sinabi ni Lieutenant Colonel Maria Luisa Calubaquib, Bicol Police spokesperson, na inaalam pa nila ang motibo sa pagpatay at kung magkarugtong ang dalawang insidente.