Advertisers
Advertisers
Advertisers
BINATIKOS ng mga netizen sa iba’t-ibang social media platform ang isang kilalang motorcycle taxi company dahil sa tumataas na bilang ng mga naitalang aksidente kung saan sangkot ang mga rider nito.
Ipinataw ng mga nambabatikos ang sisi sa Move It, isang motorcycle (MC) taxi company na nabili ng Grab Philippines, at sinasabing may kakulangan umano ito sa training ng mga rider, at hindi tama ang pagpapasweldo sa mga ito kaya naman nagiging pabaya ang kanilang pagmamaneho.
Sa isang Facebook post, nagpahayag ng pag-aalala ang user na Motorcycle Taxi Platforms para sa mga pasahero, at pagkadismaya naman para sa MC taxi company.
“Hindi na ba talaga mapigilan ’yung araw-araw na lang na aksidente ng mga Move It rider? Kawawa naman mga pasahero niyo kung inaraw-araw niyo na yan,” saad sa kanyang komento.
Nilait ng mga nagkomento ang hindi patas na pagpapasahod ng Move It na nag-uudyok sa mga rider na magserbisyo pa rin bagaman hindi maayos ang kanilang kalagayan upang magmaneho.
Bukod sa hindi makatarungang istraktura ng kita ng MC taxi company, sinisisi rin ng mga netizen ang kakulangan ng Move It sa pagbibigay ng sapat na pagsasanay at edukasyon sa kanilang mga biker.
Karamihan sa mga Facebook user ay nagpahayag ng pag-aalinlangan sa kakayahan at etiquette ng mga rider ng Move It, at nanawagan sa taxi firm na pagbutihin ang kanilang standards of practice.
Anila, ang puno’t dulo ng mga pangyayari ay ang alanganing pagpapatakbo ng Move It na nakikita sa kanilang pagtrato at paghanda sa kanilang mga biker kung saan maging ang kanilang mga pasahero ay napapahamak na rin.
Dagdag pa nila, ang pagdalas ng pagka-aksidente ay isang bagay na dapat seryosohin ng Move It, at isang kasong dapat iparating sa Technical Working Group ng Department of Transportation (DOTr-TWG), o ang namumuno sa pilot study para sa MC taxi.
Hiling nila na masuri ng kaukulang ahensiya ng gobyerno ang pagpapalakad ng Move It, bago lubusang magtiwala sa kumpanya na magsundo’t hatid sa mga Pilipino.
Ilan pa sa mga netizen ang nagmungkahi na mas mabuti pa umanong mag-book nalang ang mga mananakay sa kalaban ng Move It tulad ng JoyRide at Angkas para sa hinahanap na ligtas, mabilis, at komportableng biyaheng MC taxi.