Advertisers
IMPORTED daw ang higit dalawang toneladang shabu na nasabat ng local police sa Barangay Pinagkrusan, Alitagtag, Batangas nitong Lunes ng umaga.
Sinaksihan mismo ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. ang pag-inspeksyon sa 1.8 toneladang kontrabando, pinakamalaking huli ng pulisya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na walang dumanak na dugo.
Noong Marso 2022 ay nakasabat din ang mga awtoridad ng mahigit P11-billion halaga ng shabu sa Infanta, Quezon kungsaan 10 katao ang naaresto at walang nasawi.
Noong termino ni Rody Duterte sa Malakanyang, higit 6,000 ang napatay (pero sa datus ng human rights groups mahigit 30,000 ang nasawi) sa “giyera” kontra droga, kungsaan karamihan sa mga biktima ay “barya-barya” lamang.
Naharang ang kontrabando sa simpleng checkpoint ng local police sa Barangay Pinagkrusan. Hinanapan lamang ng driver license ang driver ng Foton van na si Ajalon Michael Zarate ng Project 4, Masaga, Quezon City. Pero wala itong maipakitang lisensiya. At nang sitahin at pabuksan ang karga ng van ay tumambad ang bulto-bultong shabu!
Ang kontrabando ay galing daw mismo sa bayan ng Alitagtag at dadalhin sa Metro Manila partikukar siguro sa Quezon City kungsaan nakatira si Zarate.
Sinilip ko sa Facebook ang profile ang isang Ajalon Zarate. Hindi ako sigurado kung siya itong Zarate na driver ng naharang na van na puno ng shabu. Wala itong picture, mikropono na hawig sa gamit ng broadcaster at vloger ang nakalagay na profile pic.
Nakalagay sa profile pic ng Ajalon Zarate na nagtatrabaho ito bilang US Army, nag-aral sa Pierce College, mula Lakes High School, nakatira sa Qiezon City, at galing sa Queens New York. Maaring peke ang mga detalyeng ito kasi nga walang mukha ang profile picture.
Anyway, pinupuri natin ang Alitagtag Municipal Police Station, sa pamumuno ni Captain Luis de Luna, sa pagkakasabat sa naturang kontrabando, na kung nakalusot ay libu-libong kababayan natin ang mabubuang at masisira ang pamilya.
Dahil sa hindi matawarang tagumpay ng Alitagtag MPS ay nabigyan ng spot promotion si De Luna, isa na siyang Major ngayon. Pero dapat ma-promote din ang kanyang mga pulis na silang nagsagawa ng checkpoint, Interior Secretary Benhur Abalos, Jr, Sir!
Sino-sino kaya ang nasa likod halos 2 toneldang shabu na ito? Siguradong pawn lang itong si Ajalon Michael Zarate. Sino kaya ang kanyang amo, at saan niya kinuha ang droga?
Well, abangan natin ang magiging resulta ng nga imbestigasyon sa kasong ito. Tiyak na malaking sindikato ang nasa likod nito. Sana hindi politiko o pulis!!!
Oo! Siguradong bahagi lamang ng shipments, kung galing man ito sa ibang bansa, ang nasabat na kontrabando sa Alitagtag.
Kung imported nga ang shabu na ito, tiyak sa barko ito kinarga.
Ang Batangas ay notorious na bagsakan ng mga kontrabando tulad ng iligal na droga dahil napakaraming barko mula sa iba’t ibang bansa ang dumadaong dito.
Ang tanong: Sino ang nasa likod nito, Mr President?