Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
ISA si Teejay Marquez sa mga bida sa barkada movie na G!LU, mula sa ALV Films. Ang iba pang mga bida ay sina David Licauco, Enzo Pineda, Kiko Estrada, Derrick Monasterio at Ruru Madrid.
Aminado ang gwapong aktor na naiinggit at insecure siya sa limang co-stars niya sa nasabing pelikula dahil sa ganda ng mga pangangatawan ng mga ito.
“Feeling ko kasi, ang ganda-ganda na ng katawan ko, dahil araw-araw akong nagwu-workout. Pero pagdating ko sa set ng ‘G!LU’ mai-insecure ka talaga, kasi kahit sila, ang gaganda na ng katawan, nakakai-insecure rin talaga,” sabi ni Teejay nang makausap namin sa mediacon ng G!LU, na ginanap sa KAO Manila sa Newport Mall, Newport World Resorts.
Patuloy niya,”Like pag sinabihan mo na ang ganda ng katawan mo ngayon, hindi na sila kakain. Nagsisilipan talaga ng katawan sa set.
“Paggising sa umaga, ‘pag sinabi mo na, ‘Bro medyo pumayat ka’. Tatakbo na agad sa gym, magpapalaki na agad.
“In terms of katawan, lahat sila na-insecure ako. Ang feeling ko, kahit na ang ganda ng katawan ko, kailangan ko pa ring mag-workout.
“Pero healthy competition naman `yon, na kailangan mo talagang alagaan ang katawan mo. Kasi noong time na sinu-shoot namin ‘yan, lahat talaga gustong ipakita ang best version nila.
“At masaya naman na nakaka-inspire kami sa isa’t isa,” aniya pa ..
Sa pelikula ay may eksena si Teejay na tinuhog at tinikman niya ang gumaganap na magdyowa rito, na ayon sa kanya ay talagang mag-jowa pa ang mga ito noong ginagawa pa lang nila ang pelikula. Pero ngayon daw ay hiwalay na ang dalawa.
“Abangan ninyo `yon, dahil nakakatuwa, kasi magdyowa nga ang dalawa. Noong binabasa ko ang script, sabi ko sa kanila, ‘Teka lang, makakahalikan ko kayong dalawa, ha!’
“Pero hindi ako ang dahilan o may kasalanan kung bakit sila naghiwalay ngayon,” nangingiti pang sabi ni Teejay.
“Hiwalay na sila ngayon. Pero noong panahon na `yon, sila pa. Kaya pag-uwi ko ng Manila, nasabi ko lang, grabe natuhog ko ang magdyowa.”
Ayaw magbigay ng clue ni Teejay kung sino ang nakasama nila sa movie na magdyowa sa tunay na buhay, na hiwalay na nga ngayon.
Ang movie ay mapapanood na sa mga sinehan simula bukas, April 24. Mula ito sa direksyon ni Philip King.
***
PAPASUKIN na rin ng anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzales na si Andres Muhlach ang mundo ng showbiz.
Kasama ni Andres ang buong pamilya Muhlach sa kanyang launching acting project sa TV5 na eere na ngayong Mayo, ang Da Pers Family. Ang karakter ni Andres ay anak ng isang panadero na kinailangang iwan ang kanyang trabaho bilang anime artist para tumulong sa negosyong panaderya ng pamilya.
At parang sa totoong buhay, gagampanan din nina Aga at Charlene ang mga magulang ni Andres sa serye, at kapatid din niya si Atasha sa palabas.
Pinaka-unang acting project ni Andres ang Da Pers Family at ngayon pa lang ay hindi na magkamayaw ang mga fans sa kanya, lalo pa nung nag-guest siya sa Peraphy segment ng TV5 show na Eat Bulaga.
Noon pa man ay lumalabas na sa mga fashion show at magazine shoots si Andres, pero ito ang unang beses na mas madalas nang makikita ng fans ang binata sa telebisyon.
Para mapaghandaan ang kanyang showbiz debut ay sumailalim si Andres sa acting, dance, at singing workshops nitong mga nakaraan na buwan. Dapat ding abangan ang kanyang paglabas sa isang advertising campaign ng isang sikat na local food brand.
May ilan pang major projects na inaayos para kay Andres, kaya naman magiging exciting ang 2024 para sa batang aktor.