Advertisers

Advertisers

DESTABILIZATION SA GOBYERNO

0 64

Advertisers

MAY bago at luma ang sinabi ni Sonny Trillanes sa isang pulong balitaan noong Martes. Ayon sa dating sundalo na naging senador, may destabilization campaign ang ilang mga senior police officials . Kasama sila sa plano na patalsikin si BBM sa poder at iluklok si Sara sa panguluhan. Lumang balita ito at walang bago, sa totoo lang.

Hindi bago ang sinabi ni Trillanes ang malaking bahagi ang pag-uga sa kasalukuyang gobyerno, o destabilization campaign, ang pag-iwas ni Gongdi at mga kasapakat sa lambat ng International Criminal Court (ICC) kung saan nahaharap sila sa sakdal na crimes against humanity dahil sa madugo ngunit bigong giyera kontra droga. Ayaw nila na madakip at makulong.

Hindi maikakaila na nais ni BBM na ibigay si Gongdi at kaalyado sa karahasan sa ICC upang matapos na ang sakit ng ulo ng dulot ng grupong kriminal ng Davao City na ang buong akala ay si Gongdi pa ang nasa poder. Sa totoo, alam ni BBM na walang itutulong sa kanya si Gongdi. Luma na ang ganitong sapantaha kahit may bahid ng katotohanan.



Hindi bago ang balita na may mga opisyales ng PNP na nakatakdang bumaligtad sa sandaling umpisahan ang totohanang pagsisiyasat sa pananagutan ng bawat personalidad na sangkot sa digmaan kontra droga ni Gongdi. May mga naibigay na silang paunang pahayag sa ICC at susunod ang iba pa opisyales upang iligtas ang kanilang sarili.

Ang bagong balita ay alam ni BBM kung sino-sino ang mga opisyales na sangkot sa pagyugyog sa gobyerno ni BBM. Kung babasahin ng masinsinan ang mga sinabi ni Trillanes, pasok ng paksyon ni BBM ang grupo ni Gongdi na tangkang guluhin ang gobyerno. Kilala na silang “mga pinapakain ng pera” ni Gongdi.



Buking sila, sa salitang kalye. Dahil bistado, wala silang natatagong lihim, sa maikli.

Walang bago sa sinabi ni Trillanes na sangkot ang ilang retiradong opisyal ng PNP at AFP sa tangkang pabagsakin ang gobyerno. Wala sa poder ang mga iyon at wala silang maaasahang tauhan na magpapakamatay para sa halos baliw na dating pangulo.



Maingay at pilit na nagpapansin kay BBM. Hindi sila ang problema sa organisasyon ng pulis at sundalo. Ang bagong balita ay kahit retirado o aktibo sa serbisyo, itinuro ng mga opisyal ng PNP ang lalim at lawak ng pananagutan ni Gongdi, Bato dela Rosa, Bong Go, Baks Calida, at iba pa sa madugo pero bigong digmaan sa droga ni Gongdi.

Lumpong pato si Gongdi. Ang tanging magagawa niya sa kasalukuyang sitwasyon ay harapin ng tahasan ang suplong laban sa kanya at panagutan ang kasalanan sa batas. Alalahanin natin na si Sonny Trillanes at Gary Alejano ang unang nagdala ng sakdal ng crimes against humanity laban kay Gongdi. Hindi siya tinulungan ng mga kasama niya sa oposisyon.

***

ISANG malaking katatawanan ang imbestigasyon kuno ng komite ni Bato dela Rosa sa Senado noong Martes. Hindi umamin si Maricel Soriano na may kinalaman siya sa illegal na droga. “Wala akong alam diyan,” aniya. Supalpal si Bato sa deklarasyon ni Maricel.

 

Alam niya na walang saysay ang kanyang pagtitiyaga na takpan ang testimonya ni Sonny Trillanes sa isang press conference. Nagpilit si Bato na katasan ng dugo ang bato. Sabi ni Betty O’hara, isang netizen: “Ang issue kay Maricel yong droga. Ng di makahanap si Bato ng ebidensya biglang naging issue yong katulong na binugbog daw ni Maricel. Sa akin, hindi bale na bugbog lang iyan, huwag lang patayin ng walang dahilan na tulad ng ginawa ni Bato et. A.l sa war on drugs kuno.” Mas nawalan ng saysay ang pagsisiyasat ni Bato. Ang pinakamalaking problema ni Bato ay bobo siya at mukhang hindi alam iyan. Hindi naiintindihan ni Bato ang ginagawa niya.

 

Pumasok ang isa pang bobo na si Robin. Pumapel na ang bung akala mo ay siya ang magliligtas sa dalagang nagipit sa panganib. Aniya, igalang ang trabaho ng mga artista at huwag idawit sila sa pulitika ng bansa. Simple ang sagot ng mga netizen sa kamote. Kung ayaw mo masali ang mga artista pagbawalan mo na huwag silang tatakbo ng kahit anong posisyon sa gobyerno. Kasama si Robin doon.

***

PINAGTAWANAN ni Sonny Trillanes ang pagmamagaling ni Bato na humamon kay Trillanes na personal siyang lagyan ng posas kung sakaling inaresto siya ng ICC. Alam ni Bato na hindi awtoridad ng batas si Trillanes. Walang poder si Trillanes na posasan ang sinuman. Hindi niya trabaho iyon at alam ni Trillanes. Hindi niya gagawin ang hindi niya trabaho.

 

Alam ni Trillanes na yabang ang kay Bato. Alam niya na hindi lang bobo si Bato kahit pareho silang nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA). Alam niya na puno ng hangin ang utak ni Bato. Hanggang yabang lang. Kinutya ni Trillanes si Bato: “Kung makareact si Bato akala mo siya ang inapi at pinatayan. Tingnan natin ang tapang niya pagdating ng ICC warrant.”

***

MGA PILING SALITA: “Let us convict Rodrigo Duterte in the court of public opinion. That conviction should extend to all of his children. No Duterte – no traitors for that matter — should ever be elected to public office again.” – Antonio Montalvan II, netizen, mamamahayag

 

“Ayaw ni Zubiri ng political circus and witch hunt. Huh? May clowns and witches na sa Senate di ba?” – Joel Cochico, netizen, kritiko

 

“So what was the point of inviting Maricel Soriano to the Senate hearing? Yun lang pala itatanong ninyo. Sinayang n’yo lang oras nung tao. Ginamit n’yo lang yung star power niya for your grandstanding.” – Teddy Casino, netizen, kritiko

***

SABI ng mga Intsik, pag-aari ng China ang South China Sea dahil may China sa pangalan ng malawak ng karagatan. Hindi dapat gawing kumplikado ang simpleng isyu sa pangalan. Simple ang sagot sa mga Intsik: Bakit ang Indian Ocean ipinangalan sa India pero hindi inangkin ng India ang malawak na karagatan?

 

Huwag maniwala sa ipinangalandakan ng mga Intsik na may historical presence sila sa South China Sea. Hindi totoo iyon ang kanilang claim sa kasaysayan. Ang historical presence nila ay limitado sa mga pirata na nagsagawa ng mga raid sa kabayanan ng mga Filipino. Mga piratang Intsik ang pumatay sa ating mga kalalakihan, nanggahasa sa ating mga kababaihan, at tumangay sa ating mga kabataan upang ibenta bilang alipin sa mga lugar na hindi natin alam.

 

Walang historical presence ang mga Intsik sa ating bayan. Pawang karahasan at pighati sa buhay ang kanilang ginawa. Patunay ang mga kampana sa mga simbahan sa baybay dagat. Pinatutunog ang mga iyon bilang babala sa mga mamamayan kapag may raid sa kanila ang mga piratang Intsik. Iyan ba ng historical presence?