Advertisers
MAGING mapagmatyag at alerto sana ang butihing Batangas 1st District Representative Eric Buhain, esposo ni ex-Congresswoman Eileen R. Ermita sapagkat wala itong kamalay-malay na gasgas ang kanyang pangalan dahil sa panggagamit ng mga ilegalista at ipinanakot sa mga mga awtoridad upang luwagan sa kanilang operasyon ng kailegalan sa mga bayan ng nasabing distrito.
Walang kamalay-malay ang bagitong Congressman na sa mismong hometown ng kanyang biyenan na ex-Executive Secretary Eduardo R. Ermita ay “bahog na bahog” (salitang Batangueno na ang ibig sabihin ay nakapandidiri o nakakadismaya) pagkat idinadawait ang kanyang pangalan sa operasyon ng Small town lottery con jueteng o bookies na inooperate sa 42 barangay ng munisipalidad na pinamumunuan ni Mayor Antonio Jose Barcelon.
Isang alyas Willy Bokbok na operator ng 20 puesto pijo o permanente na sakla at maging mga saklang patay sa naturang bayan ang nagyayabang na kasosyo nito ang dating Asian Game Swimming Gold medalist sa matagal nang pinapatakbo nitong illegal na sugal sa naturang bayan.
Kinakabahan tuloy ang mga KASIKRETA na baka idawit pa nitong si alyas Willy Bokbok ang pangalan ni Congressman Buhain sa kontrobersyal na Php 9.6B na bigong pagpupuslit ng mahigit sa isang toneladang shabu na nasabat kamakailan sa isang checkpoint sa bayan ng Alitagtag sakop ng 3rd District ng Batangas.
Lumulutang din ang pangalan ng grupo ni Bokbok, ang protektor nitong mayor, kalaguyong vice mayora at isang police sergeant na mga individual contact ng shabu transporter sa kanilang “pagkapagparating” ng record breaking na shabu haul sa kasaysayan ng lalawigan.
Ang kargamentong high grade shabu ay idinaong ng pinagkargahang yate sa Brgy. Natipuan na nakapagdududang “walang kasingaw-singaw” sa kapulisan, barangay official at maging sa mga opisina ng Nasugbu mayor, vice mayor at mga konsehal.
Ang pangalan ni Rep. Buhain ay hindi dapat isabit o ikawing sa mga notoryus na bookies/drug dealer na sina Ricalde ng Lemery, Mandy at Maricel ng Taal at ng mga drug/bookies maintainer sa mga bayan ng Tuy at Calatagan.
Personal mente ay hindi naniniwala ang SIKRETA na sasabit si Rep. Buhain sa mga ganitong uri ng kabalbalan pagkat hindi lamang ang kanyang magandang reputasyon ang nakataya kundi maging ang karangalan ng mga Ermita tinitingala at haligi hindi lamang ng kanilang distrito kundi ng buong lalawigan.
Kung ang pangalan ni PNP Chief Gen. Marbil ay ginagamit ng notorious ding Magsino Tong Collection Group sa pangongotong ng payola sa mga operator ng buriki, vices at illegal terminal sa Batangas, Laguna at iba pang panig ng CALABARZON ay di malayong magasgas din ang pangalan ni Rep. Buhain nina alyas Willy Bokbok, Ricalde, alyas Mandy at Maricel at iba pang gambling at drug financier sa kanila mismong distrito.
Suhestiyon ng SIKRETA kina Rep. Buhain at kay ex-Congresswoman Eileen na atasan sina Batangas PNP Provincial Director Col. Samson Belmonte, Nasugbu Mayor Barcelon at kauupong Nasugbu police Chief Major Nemecio Calipjo Jr., Lemery Mayor Ian Kenneth Alilio, Police Chief Lt Col. Ronnie Siriban, Taal Mayor Fulgencio “Pong” Mercado at Taal Police Chief Rommel Magno na lansagin lahat ang vice operation tulad ng STL bookies, pergalan (perya na pulos sugalan saklaan) at burikian sa kanilang hurisdiksyon. May karugtong.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144