Tansingco nanawagan sa Baguio community na i-report ang mga illegal aliens
Advertisers
HINIKAYAT ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang mga residente ng Baguio at mga kalapit na lugar na i-report ang mga hinihinalang illegal aliens sa kanilang intelligence team sa isasagawang service caravan.
Dahil sa tagumpay ng mga sumbong na kanilang natanggap sa Mindanao leg ng “Bagong Immigration” caravan, binigyang-diin ni Tansingco ang mahalagang papel na ginagampanan ng community vigilance sa pagmimintina ng border security at pagtataguyod ng immigration laws.
“As we embark on our service caravan, we urge the community to report suspicious activities or individuals in their respective areas,” pahayag nito.
Binigyang-diin pa ni Tansingco ang commitment ng ahensya sa pagtugon sa mga concerns na may kinalaman sa illegal immigration at muli ay sinabi niya ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga mamamayan sa laban kontra illegal aliens.
Idinagdag pa nito na lalo pa nilang pinupursige ang mga miyembro ng komunidad na isumbong ang mga foreign sex predators at sex tourists, dahil ito ang binibigyang prayoridad ng BI sa ilalim ng kampanya ng ahensya na #Shieldkids.
Ang third leg ng BI’s service caravan na nakatakda ngayong May 8 sa Cap-John Hay Trade and Cultural Center sa Baguio City.
Ang caravan ay nag-aalok ng expedited processing para sa iba’t-ibang BI transactions, kabilang na ang tourist visa extensions, exit clearances, dual citizenship applications, at iba pang essential clearances. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)