Advertisers
NAGBANTA si Senadora Grace Poe na mas marami pang probinsiya ang makararanas ng kakulangan ng suplay ng tubig kung hindi mareresolba ang pamamahala ng water resources sa bansa.
“Tagtuyot ngayon, baha naman sigurado sa susunod na buwan. Tila ito na ang reyalidad para sa ating mga kababayan taon-taon na lang,” wika ni Poe na nanguna sa pagdinig ng Senate committee on public services sa kanyang Senate Bill No. 102.
Layunin ng panukala na magbuo ng Department of Water na mangunguna sa whole-of-society efforts para sa komprehensibo at integrated development at pamamahala ng water resources sa bansa.
“The root of our water crisis is actually a crisis in regulation. The problem is not that we don’t have resources but that we do not effectively manage our resources,” saad pa ng senadora.
“Kailan tayo huling nagpatayo ng dam?” tanong pa ni Poe kasabay nag pagsabing naitayo ang Angat Dam sa Bulacan noong 1968 noong ang panahon na konti pa lang ang populasyon at mababa pa ang pangangailan sa tubig.
“Pinanganak ako, 1968. Kung ako medyo sumasakit-sakit na ’yung mga buto-buto ko eh ‘yun pa kayang dam na ‘yan. But what I am saying is, ano ‘yung population natin noong 1968 at ano na ngayon? Doble. Magtataka ba tayo na kinukulang tayo ng tubig,” patuloy ni Poe.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Poe na 131 lungsod at bayan mula sa Ilocos Norte hanggang Cotabato ang nakararanas ng water shortage at nagdeklara ng state of calamity.
Tinataya naman ng National Economic Development Authority na sa 1,486 bayan, 332 ang nasa urban poor space o mga nasa mahihirap na lalawigan, ang kinukonsiderang ‘waterless’.
Batay sa mga datos, ang Pilipinas ay may 421 river basis ; 59 natural lakes; 100,000 ektarya ng freshwater swamps; 50,000 square kilometers ng groundwater reservoir; at 2,400 millimeters ng average rainfall sa buong taon.
“Sa isang archipelago na napapalibutan ng tubig, nakakabahala na may mga lugar pa rin na walang malinis na tubig, at nakakahiya dahil ang mga bansang disyerto, parang mas wala pang water interruption kaysa sa atin. Our problem is the system,” pagtatapos ni Poe. (Mylene Alfonso)