Crackdown vs POGOs, inutos ni PNP Chief Marbil; Central Luzon regional director paiimbestigahan din ng PNP
Advertisers
Mahigpit ang tagubilin ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa kapulisan na mananagot at mapaparusan sa ilalim ng batas ang sinumang protektor o sangkot sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Pinaalalahanan din ni Gen. Marbil ang mga pulis na sumunod sa batas at panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng integridad, lalo na sa usapin ng POGO.
Kamakailan lamang ay pinaigting ng Pambansang Pulisya ang kampanya laban sa illegal POGO operation na nagresulta sa pagpapasara ng mga operasyon nito sa pamamagitan ng coordinated efforts ng PNP-Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) at PNP-Anti Cybercrime Group.
Tiniyak din ng PNP chief sa publiko ang kanilang patuloy na pangakong mapanatili ang kaayusan at seguridad sa ating bansa.
***
Samantala umabot na sa mas mataas na lebel ang imbestigasyon ng Philippine National Police hinggil sa pamamayagpag ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Marbil na kanilang iimbestigahan ang regional director ng Central Luzon Police na si PBGen Jose Hidalgo Jr.
Ito’y matapos na magkasunod na madiskubre ang iligal na POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Ayon kay Marbil, aalamin nila kung paano sumulpot ang naturang mga scam farm.
Nabatid na bago nito, inalis na sa pwesto ang halos lahat ng mga pulis sa Bamban Municipal Police Station sa Tarlac habang inalis din sa pwesto ang hepe ng Pampanga Police Provincial Office.
Ani Marbil, ayaw niya sabihing may protektor na pulis sa iligal na POGO pero nais niyang malaman kung bakit may mga krimen na hindi nare-report sa hurisdiksyon ng mga hepe tulad na lang ng mga patay na katawan na biglang natatagpuan.
Saganang akin hindi lamang POGO ang namamayagpag sa area’s of responsibility (AoR) ni Gen. Hidalgo kundi maging ang ibat-ibang uri ng ilegal tulad ng paihi ng produktong petrolyo at sugal gaya ng jueteng, bookies, lotteng, EZ2, sakla, pergalan (perya-sugalan) at iba pa.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.