Advertisers
GINAHASA ang isang 12-anyos na dalagita ng 51-anyos na vendor sa Taguig City.
Nakakulong ngayon sa Taguig City Police Station ang suspek na nakilalang si Tirso Panaligan, nakatira sa Capistrano Street, Barangay Ibayo-Tipas ng nabanggit na lungsod.
Ang biktima ay itinago sa pangalang Maricel, taga-Pasig City.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente 6:00 ng gabi sa isang bakanteng lote sa kahabaan ng Capistrano Street, Barangay Ibayo-Tipas.
Nabatid na habang naglalakad ang dalagita, tinawag ito ni Panaligan na magpunta ito sa isang bakanteng lote.
Lumapit ang biktima at tinanong nito si Panaligan kung bakit siya pinapupunta nito sa bakanteng lote.
Dito na puwersahang hinatak ng lalaki ang dalagita at naisakatuparan nito ang panggagahasa.
Pinagbantaan pa nito ang biktima na kapag nagsumbong ito sa kanyang ina ay papatayin nito ang kanyang buong pamilya kasama ang dalagita.
Nasaksihan ng kapatid na lalaki ng biktima ang panggagahasa, at kaagad itong nagsumbong sa kanilang ina.
Kaagad silang nagreklamo sa tanggapan ng VAWC at naaresto si Panaligan. (Gaynor Bonilla)