Advertisers
NASAWI ang etnikong Teduray na vice mayor at body guard nito, at sugatan ang kanyang misis at dalawang menor-de-edad na anak nang tambangan sa South Upi, Maguindanao del Sur, Biyernes ng hapon, August 2, 2024.
Kaagad nasawi sa ambush si South Upi Vice Mayor Roldan Benito at escort nitong si Weng Marcos, habang sugatan ang misis ni Benito na si Barangay Pandan Chairwoman Analyn Benito at mga anak nilang 11 at 13-anyos.
Sa report ni South Upi Police chief Captain Amer Hussien Disomangcop, nangyari ang ambush 5:10 ng hapon sa Sitio Linao, Brgy. Pandan.
Iniulat din ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office kay Brigadier General Prexy Tanggawhon, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na sakay ng isang pick-up truck sina Vice Mayor Benito kasama ang kanyang mag-iina at escort nang paulanan sila ng bala ng assault rifles ng mga lalaking nakapuwesto sa gilid ng kalye sa Barangay Pandan.
Nagtangka pang lumabas sina Benito at Marcos sa kanilang sinasakyan na pick-up truck habang pinauulanan ng mga bala ng ambushers, ngunit isa-isa silang nabuwal dahil sa mga tama ng bala.
Nilapitan at binaril pang muli ang mga ito upang matiyak na patay sila.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kasama ang militar sa krimen.
Kinondena ni South Upi Mayor Reynalbert Insular ang pananambang sa kanyang bise alkalde, nanawagan sa pulisya at militar na tugisin ang mga salarin.
Mismong si Insular, chairman ng South Upi Municipal Peace and Order Council, ay dalawang beses nang nakaligtas sa tangkang pagpatay sa kanya nitong nakalipas na dalawang taon. Una sa isang in-ambush sa isang bahagi ng Cotabato-Upi Highway, pangalawa sa isang roadside bombing hindi kalayuan sa poblacion ng South Upi.