Advertisers

Advertisers

MULTI-MILLION TARA NG VIOLAGO GROUP SA PNP, NBI AT PORT OFFICIALS SA SMUGGLING NAG-LAYLOW; BURIKI AT DROGA PINATINDI!

0 1,666

Advertisers

Ni CRIS A. IBON

MATAPOS ang paglubog ng tatlong barkong hinihinalang ginagamit ng “Violago Group” sa smuggling at illegal drug operations ay pansamantalang naghinay-hinay ang “pagpaparating” ng sindikato ng smuggled petroleum products sa mga puerto sa Bataan, ibang panig ng Region 3 at Manila; ngunit nag-full blast ang kanilang “paihi” at “pasingaw” sa iba’t ibang bayan sa Bataan at Bulacan hanggang sa ilang lalawigan sa CALABARZON.

Sa isang pagpupulong na pinatawag ng tatlong kinikilalang lider ng Violago Group sa Bulacan may ilang araw ang nakaraan, matapos ang paglubog ng mga barkong MT Mirola 1, MT Terra Nova at MT Jason Bradley ay napagpasyahang pansamantalang maghinay-hinay ang mga ito sa petro-smuggling activity.



Upang hindi naman malugi sa malaking lingguhang “payola” na ipinamumudmod sa mga kausap na ilang opisyales ng PNP Camp Crame, PNP Region 3 Police Office, Bataan PNP Provincial Office, at PNP Provincial command tulad ng Cavite, Quezon at Batangas, mga lokal na pulidya at local government units (LGUs) ay napagpasyahang palakasin pa ang kanilang operasyon ng mga paihi/ buriki at pasingaw.

Ayon sa mapananaligang ulat ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB), kung dati-rati ay sa dakong gabi lamang nanghaharang ng mga tanker at capsule truck ang mga tauhan ng Violago Group sa mga lansangan at highway malapit sa kanilang kuta, iniutos ng mga lider nitong sina alyas Goto, Cholo at Bogs na 24/7 na ang lantaran naring pamimili ng mga nakaw ng petro products sa kanilang mga suki at kasabwat na tanker, capsule at cargo truck driver.



Pinadagdagan narin ng sindikato ang delivery sa kanilang mga kuta ng Methanol mula sa Bauan, Batangas ng kemikal na ibinabanto sa mga kargamento ng ninakawang tanker, capsule at cargo truck upang hindi mahalata ng mga may-ari ng trucking firm na sila ay napagnakawan na ng sindikato.

Ang Violago Group ay may mga kuta sa Brgy. Bancal, Carmona City na pinapatakbo ng isang “Amang”. Nakahilera sa nababakurang malaking kuta ng sindikato ang mga plastic drum, container na sisidlan ng mga nakaw na krudo, gasolina at gas maging ang mga tanke ng pinasingaw na Liquefied Petroleum Gas (LPG). Ngunit tila walang kamuwang-muwang dito sina Cavite PNP Provincial Director, Colonel Eleuterio Ricardo Jr., Carmona City Mayor Dahlia Loyola, at Police Chief LtCol. Jefferson Ison.



Maging si DOJ Secretary Crispin Remulla, isang taal na Caviteno at mahigpit na tumututol sa illegal drugs, smuggling, paihi at pasingaw operation, at ang kapatid nitong Cavite Governor Junvic Remulla ay di rin masawata ang kabalbalan ng Violago Group at Amang na nagyayabang pang may mga “pamato” sa Malacañang, Senado at Kongreso kaya’t hindi matuloy-tuloy ang ikinakasang imbestigasyon laban sa mga ito ng mga senador at kongresista.

Liban sa Brgy. Bancal, Carmona City, may mga kuta rin ang sindikatong Violago sa kahabaan ng Ecotourism Road, Brgy. Ibabang Talim, Lucena City na pinapatakbo ng isang “Amigo”. Ang naturang kuta ay nakunan pa ng larawan ng photographer ng Police Files Tonite may isang linggo na ang nakaraan ngunit nanatiling walang aksyon laban dito sina Quezon PNP PD Col. Ledon Monte, at Lucena City Police Chief LtCol. Dennis De Guzman.

Tulad ng kuta nina Violago at Amang sa Brgy. Bancal sa Carmona City, ang kanilang lungga na pinopostehan ng nagpapakilalang kumpare ni Lucena Mayor Mark Don Victor Alcala na si alyas Amigo ay iniiuulat ding taguan ng malaking kantidad ng shabu na naipupulsit ng barko ng sindikato mula sa mga daungan sa Bataan at maging sa Subic Bay Freeport Zone sa Zambales.

May dalawa pang kuta sa Lucena City ang sindikatong Violago. Ang mga ito ay sa Brgy. Salinas na minamanteni ng isang Troy, at sa Brgy. Isabang na pinamamahalaan ng isang Bong. Pawang may mga bantay dito na armado ng matataas na kalibre ng baril at naka-uniporme ng militar at PNP..

Ang isa pang kuta ng Violago syndicate sa hurisdiksyon nina Quezon Gov. Angelina “Helen” Tan PD Col. Monte ay ang matagal nang inirereklamong nag-ooperate sa Brgy. San Luis, Guinyangan na minamantine nina alyas Sammy at Alfred.

May mga magkakahiwalay na kuta din ng paihian at pasingawan sa bayan ng Hermosa na ino-operate nina Albert, Rose, Cabiling at Lito; Limay nina Bogs at Pedro; Mariveles nina Juvy, Suya at Blade; Abucay ni Ben at Imelda; Limay ni Kap Velasco at Brgy. Mabato nina Orion ni Romy.

Ang paihian at pasingawan nina Juvy, Suya at Blade at pawang na-raid na ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ngunit kaduda-dang muling nakapag-operate ang mga ito.

Ayon pa sa source ng MKKB, isang alyas “Oscar “ang lingguhang namumudmod ng P3 milyon para sa ilang opisyales ng PNP Camp Crame, NBI main Headquarter; P2.7m sa PNP Region 3, at NBI District Office, Port official tulad ng Coast Guard, Customs, PNP Maricom; P2.7m din sa NBI Regional 4-A District Office.

Bukod pa sa naturang protection money ay may nakalaan din para sa LGUs at lokal na pulisya kungsaan nag-o-operate ng smuggling, paihi at drug trade ang naturang sindikato.

Samantala, sinabi ni Justice Sec. Remulla na patuloy nilang iniimbestigahan ang Coast Guard at MARINA tungkol sa tatlong lumubog na barko na mga dati nang nasangkot sa oil smuggling, at walang permiso mula sa Customs para maglayag ang dalawa sa mga barkong ito.