Advertisers
HAHARAPIN ni Vice President Sara Z. Duterte ang isang mahalagang pagsubok ngayong Lunes, Nobyembre 9, matapos simulan ng kanyang kampo ang paglalahad ng mga ebidensiya bilang tugon sa mga alegasyon ng Kamara kaugnay ng mahigit P818 milyong yaman na umano’y hindi maipaliwanag, gayundin ng mga kuwestiyonableng ari-arian kabilang ang mga mansyong may swimming pool at helipad na nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI).
Pormal nang tinapos ng House prosecution ang paglalahad ng kanilang mga ebidensiya matapos iharap ang mga titulo ng lupa, rekord ng bangko, dokumento sa buwis at mga papeles ng korporasyon na nagpapakita ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng idineklarang yaman ni Duterte at ng mga pinansiyal na pag-aari ng kanyang pamilya.
Ayon sa forensic accounting expert na si Atty. Alexander Cabrera, umaabot sa hindi bababa sa P817.87 milyon ang hindi naideklarang mga ari-arian at yaman na hindi maipaliwanag ni Duterte mula 2022 hanggang 2025. Posible pa umanong umabot sa P1.5 bilyon ang kabuuang halaga bago ibawas ang mga pananagutan o liabilities.
Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, isa sa mga House impeachment prosecutor, na kailangan direktang sagutin ng kampo ni Duterte ang mga natuklasang iregularidad sa pananalapi.
“Una, ano ho ang paliwanag sa paratang na mahigit P800 milyong unexplained wealth na kinuwenta ng ating financial analyst na si Atty. Alex Cabrera?”, tanong ni Ridon sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Kabilang sa mahahalagang ebidensiyang iniharap ng prosecution ang mga titulo ng dalawang ari-arian na nakapangalan sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio, na ayon sa mga tagausig ay hindi nakatala sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.
Ang unang ari-arian ay isang 379-square-meter na lote sa Huna Subdivision, Davao City, na nabili umano sa halagang P6 milyon noong 2024. Ang ikalawa naman ay isang property sa Kembali Coast sa Island Garden City of Samal na nagkakahalaga ng tinatayang P3.45 milyon.
Nadiskubre rin ng NBI ang ilang ari-ariang iniuugnay sa pamilya Duterte, kabilang ang mga mansyong may magkahiwalay na swimming pool para sa mag-asawa, isang helipad at mga pribadong kalsada sa loob ng property.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Ridon ang mga lokal na opisyal na inaasahang haharap bilang mga testigo ng depensa at hinamon ang mga ito na ipaliwanag ang mga natuklasan ng NBI.
Mahalaga aniyang malinaw na maipaliwanag ng mga opisyal ng Davao City at Island Garden City of Samal ang tunay na pagmamay-ari ng mga mansyon at iba pang ari-ariang iniugnay ng NBI sa pamilya Duterte, partikular sa Bise Presidente.
Itinanggi naman ni Duterte ang pagmamay-ari sa ilan sa mga property na tinukoy ng NBI. Iginiit din ng kanyang mga abogado na ang mga ari-ariang may kaukulang titulo na kinukuwestiyon ng prosecution ay nakadeklara naman sa kanyang mga SALN.
Bukod sa mga ari-arian, inilatag din ng prosecution ang mga rekord ng tinatayang P424 milyong transaksiyong pinansiyal noong panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang Bise Presidente.
Kabilang dito ang P41 milyong cash withdrawal sa loob lamang ng 73 minuto noong Agosto 6, 2024.
Kinuwestiyon din ng prosecution kung bakit mas mababa sa P80 milyon ang net worth na nakasaad sa 2023 SALN ni Duterte gayong ang mga deposito sa bangko, insurance policy at investment na iniuugnay sa mag-asawa ay lagpas sa P100 milyon.
Nagbunsod din ng mga katanungan ang mga dokumento ng Metro City Chow Foods Corp., GenCorp Industries Inc. at Cale88 Foods Corp. kaugnay ng interes sa negosyo ni Duterte at katumpakan ng kanyang mga deklarasyon ng yaman.
Noong Huwebes, tinanggap ng Senate impeachment court bilang ebidensiya ang mahahalagang rekord pinansiyal, mga titulo ng lupa at malaking bahagi ng forensic report ni Cabrera.
Gayunman, hindi pinayagan ang ilang dokumento ng korporasyon at mga kaugnay na kalkulasyon.
Binigyang-diin ng impeachment court na ang pagtanggap sa mga dokumento bilang ebidensiya ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon, at may pagkakataon pa ang depensa na kuwestiyunin ang mga ito.
Ayon kay Ridon, inaasahan nilang maghahain ang depensa ng mga testigong tunay na makapagpapabulaan sa mga ebidensiya ng prosecution at hindi basta magtatanong lamang sa paraan ng kanilang paglalahad.
“Kaya nga ang sinasabi natin, kailangan ho witnesses, hindi weaknesses ang isasalang ng depensa sa darating na mga araw,” pahayag ni Ridon.
Ang Article II o ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman na lamang ang natitirang impeachment charge laban kay Duterte matapos bawiin ng prosecution noong Oktubre ang tatlo pang artikulo ng impeachment.
Mariing itinanggi ni Duterte ang anumang maling gawain, habang patuloy namang kinukuwestiyon ng kanyang mga abogado ang mga ebidensiyang iniharap ng prosecution.
Nakatakdang magsimula ang paglalahad ng ebidensiya ng depensa alas-10:00 ng umaga nitong Lunes, at magpapatuloy ang mga pagdinig hanggang Nobyembre 23.