PDP-LABAN, NANAWAGAN SA KORTE SUPREMA NA BILISAN ANG DESISYON UKOL KAY PRRD AT BATO
Advertisers
Nanawagan ang PDP-Laban sa Korte Suprema noong Nobyembre 3, 2026, na bilisan ang pagdedesisyon sa mga nakabinbing petisyon kaugnay kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa pangunguna nina national spokesman Atty. Ferdinand Topacio at Vice President Penelope Belmonte, nagsumite ang partido ng isang open letter na may petsang Oktubre 31, 2026 at nagsagawa ng kilos-protesta sa tapat ng Korte Suprema, upang igiit na desisyunan na ang kasong G.R. No. 278747 (Rodrigo Roa Duterte and Senator Ronald “Bato” M. Dela Rosa v. Hon. Lucas Bersamin, et al.).
Binigyang-diin ni Topacio ang pangangailangang linawin ng Kataas-taasang Hukuman ang mga tanong tungkol sa legalidad ng pagpapatupad ng mga arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas nang walang lokal na utos ng korte.
Si dating Pangulong Duterte ay kasalukuyang nakadetine sa The Hague at nakatakdang magsimula ang kanyang paglilitis sa ICC sa Nobyembre 30, 2026.
Nauna nang naghain si Senador Dela Rosa ng manifestation noong Oktubre 27, 2026, para hilingin sa Korte Suprema na baligtarin ang naunang desisyon nito na nagbasura sa hiling na Temporary Restraining Order (TRO) o Status Quo Ante Order (SQAO) noong Mayo 20, 2026 (na ibinasura ng Korte sa botong 9-5-1 para lamang sa mga interim relief.
“Ito pong liham na ito, consisting of two pages, ay naglalayon, hindi upang himukin ang Korte Suprema to decide one way or the other … Ang aming kahilingan lang po namin ay pagdesisyunan na because may kasabihan po, ‘The law abhors the vacuum,'” ani Topacio na nagsabing igagalang nila kung anuman ang maging desisyon ng Korte Suprema.
Samantala, kinuwestyon ni Topacio ang P50-million reward para sa impormasyon ukol sa kinalalagyan ni Dela Rosa at aniya, wala namang local arrest warrant para sa Senador. (JERRY S. TAN)