Advertisers
PINAKAHULING datos sa pag-igkas ng ating ekonomya, aba, maganda pala ito, sayang at hindi napapansin ng marami sa atin — kasama na po ako –, kasi, hehehe, daming isyu sa social media na ito ang mas trending sa madlang netizen.
Alam nyo ba, tayo pala, ang beloved Pilipinas natin ang sumipa ng 6.4 percent economic growth sa loob ng anim (6) na buwan ngayong 2024, at nakapagrehistro tayo ng 15.5 percent sa pagliit ng kahirapan, at nabawasan ng 3.1- percent ang kasama sa hukbo ng mga tambay sa kanto.
Ibig sabihin nito, kumikilos nang positibo ang mga programa ng administrasyon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., di tulad ng ipinipinta ng mga ayaw sa ating pangulo.
Dapat ay nasisiyahan na si PBBM pero, sabi niya, wala pa rin itong kabuluhan, at bakit, ito ay kung hindi nararamdaman ng maraming Pinoy.
Kaya, ano ang sabi ni PBBM: ” xxx this government will continue to invest in job-generating infrastructure, social protection programs, health and education for all Filipinos.”
Sa mga kritiko ng gobyernong ito, tama ang pakiusap ni Senate Pres. Francis Joseph ‘Chiz’ Guevara Escudero na tumulong na lamang sa paglutas ng problema ng bansa, kaysa maghanap ng ikasisira nito sa mata ng madla at ng mundo.
Tandaan, sa iisang bangka lamang tayo nakasakay, at kung may nakikitang butas, tumulong sa pagtatapal at pagkukumpuni ng mga sira para hindi lumubog ang bangka ng Pilipinas.
Noong kampanyahan ng 2022, ano ba ang sigaw: Uniteam, pero ang nangyayari, wasak team na, e kung magbabanatan sa panguluhan, matagal pa iyon sa 2028 pa.
Kaya mas mabuti, tumulong at ibuhos ang lakas sa pagtulak na mapalakas ang makinarya ng pag-unlad ng Pilipinas, tulad ng paghikayat ni PBBM.
Mahirap bang tumulong, masakit pa sa budhi ng mga ayaw kay PBBM na makitang umuusad, gumagalaw. tumatakbo ang bansa, para kung sila na ang makapuwesto, konting problema na lamang ang kanilang bubunuin.
E, ang nangyayari, pinagugulo, pinahihirapan ng mga kritiko ang pâgsisikap na maiangat ang bansa natin.
Kaya nakakabilib naman ang sabi ni PBBM na siya ay hindi titigil hanggang di niya naihahatid sa rurok ng pag-unlad ang bawat pamilyang Pinoy.
Hindi ang mga kritiko lamang ni PBBM ay may malasakit at katangiang maitaguyod ang malinis na bansa; oo, tatanggapin natin, may mga pagkakamali, at wala namang perpektong pamumuno, tiyak na may pagkakataong madudupilas, matatalisod pero sa halip na tumulong, ano ang gingawa ng mga kritiko, imbes na ibangon, tinatapakan, inginungodngod ang mukha ng administrasyon.
E ano ba ang tunay na larawan ng bansa — na ibang-iba sa inilalarawan ng mga ayaw kay PBBM.
Tayo ay umigkas sa lakas na 6.5 percent, ito ang isa sa pinakamataas sa Southeast Asia, at sabi nga ni PBBM, ito ay dahil sa pag-igpaw ng bulto ng mga investment at pagawaing bayan bunga ng Build Better More program na ang resulta, kumakabig ito ng maraming trabaho at pagkakakitaan ng maraming mamamayan.
Eto ang datos, mahigit sa 50.3 milyong kababayan natin ay may trabaho, at alam nyo ba, 63.8 percent nito ay nasa disente at pormal na hanap buhay.
Umaangat ang marami mula sa dating kapos, ngayon ay nakararamdam na ng alwan at ginhawa sa pamumuhay.
Magandang senyales ito na pagbaba ng porsiyente ng mga dugyot na pamilya — na aminin man o hindi ng mga kritiko, nakatutulong sa mga nasa krisis na pamumuhay ang mga cash incentives, ayuda at mga tulong sa buhay ng mga tinatamaan ng krisis sa buhay.
Konti na lamang, sabi ni PBBM ang masasabing “poor” at ito ay nasa 10.9 percent na lamang, hindi ba magandang balita ito?
Ano ang nais ng Pangulo na matamo niya bago matapos ang kanyang termino sa 2028, at ito ang hangad din ng marami sa atin.
“Our goal is to further reduce this rate to 9 percent by 2028, and improve the lives of 8 million Filipinos,” sabi ni PBBM.
Kaya sa mga kritiko, ano ba naman at ipahinga muna ang bibig at utak sa pagkiyaw at pag-angal at pagbatikos at ipahinga muna ang inis at galit at palitan ito ng pagnanais na maingat ang mahal nating Pilipinas.
Hindi nakakapagod ang magmahal sa bansa, pero nakapagpapahina ng isip at katawan ang ayaw pigilang paghahanap ng ikakantyaw at ibubugang di-mabuti sa mga lider ng ating bansa.
Kung may puna, kantiyaw at reklamo — na okey lamang pagkat garantisado ito ng ating Saligang Batas –, ibaling ito sa kritisismong pampasigla at pagtutuwid, hindi ang batikos na ang hangad ay pagkatisod at pagbagsak ng Pilipinas.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.