Advertisers
SINIMULAN na ng dating Regional Trial Court Judge at ngayon ay National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago ang paglilinis laban sa mga indibidwal na tila anay na sumisira sa imahe ng naturang ahensya.
Unang inabot ng indulto sa entrapment operation na isinagawa ng mga tauhan ng NBI Olongapo District Office ang nagpakilalang ahente ng NBI na si Lamberto M. Magalong alyas Lucky.
Si Magalong ay nagpanggap na NBI agent na tumutugaygay sa smuggler ng sigarilyo at tinangkang mangotong ng Php10,000 na good will money sa inakala nitong miyembro ng kontrabandista.
Bukod sa Php10,000 ay tinatarahan din ni Magalong ng lingguhang Php50,000 upang hindi arestuhin ang mga cigarette smuggler sa Olongapo City.
Nagsumbong sa mga lehitimong NBI agent ang naturang impormante at agad na ikinasa ang patibong laban kay Magalong. Matapos na tanggapin nito ang markadong Php10,000 ay dinakma na ito ng mga “genuine” na NBI agent.
Pinakasuhan ito ni Dir. Santiago ng asuntong paglabag sa Article 177, RPC sa Zambales Prosecutor’s Office.
Noon lamang June 24, 2024 nanungkulang bagong NBI Chief ang napabantog na Manila Finest Sharpshooter bago nito naabot ang pwesto bilang Regional Trial Court judge.
Isa lamang ang pag-aresto sa pekeng NBI agent na si Magalong sa hindi na mabilang na accomplishment na nagawa ni Dir. Santiago pagkaupo nito bilang NBI head na nanindigang ibabalik nito ang magandang imahe ng kagawaran sa mata ng taumbayan.
Ngunit marahil ay hindi pa alam ni Dir. Santiago na sa lalawigan ng Cavite ay may isa pang nagpapakilalang ahente ng NBI na tumutugon sa pangalang alyas Elwyn ang umiikot sa probinsya ni Governor Junvic Remulla at nagbigay ng “go signal” sa mga kapitalista ng sakla na mag-operate, kapalit ng lingguhang “tara” na Php 50,000 kada sakla den.
Kasama ni agent Elwyn na ang pakilala ay miyembro ng NBI Cavite District Office ang isang alyas Hero na nagpapakilala namang opisyal ng Governor’s Squad at isang pulis na kilala lamang sa alyas Richard na nagpapakilalang bagman at sugo ng tanggapan ng Cavite Provincial Police Office sa pangingikil ng protection money?
Ang tatlo ay siya ding nag-dedeliber at pusher ng pambentang shabu sa mga maintainner ng mga saklaan sa mga bayan ng Amadeo, Novelita, Naic, Magallanes, Maragondon at mga siyudad ng Dasmarinas, Bacoor at Cavite.
Hihigit pa sa Php 300,000 ang kabuuang lingguhang intelhencia ng tatlong tinaguriang salot ng Cavite. Ang bendisyon nina agent Elwyn, Hero at Richard ang dahilan kung kaya’t malakas ang loob ng mga sakla operator na magpa-operate ng sakla maging sa mga lisensyadong sabungan at mga tupadahan kahit “nasa ibabaw lamang ng tungki ng ilong” ng mga mayor ng mga naturang munisipalidad at siyudad.
Si agent Elwyn ang “sagot” sa NBI Headquarter, NBI Regional District at NBI Cavite District Office, si Hero ay umaaktong kontak ng tanggapan ng Cavite Provincial Government kasama na ang opisina ni Gov. Remulla, samantalang ang police scalawag na si Richard ang tumatayong engkargado ng mga tanggapan nina Cavite PNP Provincial Director Col. Eleuterio Ricardo Jr., PNP Region 4-A hanggang Camp Crame PNP Headquarter kasali na ang opisina ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
Sikip na sa apat na sulok ng lalawigan ng Cavite ang pangalang agent Elwyn ng NBI pati na sina alyas Hero at Richard pagdating sa paggawa ng kabalbalan na ang pangunahing nakakaladkad ay ang pangalan at mataas na krediblidad ng tanggapan ng sharp shooter at RTC Judge na ngayon ay NBI Director Jaime Santiago.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144