Advertisers
PINATAWAN ng cite in contempt ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang independent contractor ng GMA na si Jojo Nones dahil sa patuloy nitong pagsisinungaling kaugnay sa umano’y pang-aabuso kay Sandro Muhlach, anak ni Niño Muhlach.
Inaprubahan naman ni Committee on Public Information and Mass Media chairman Robin Padilla ang mosyon ni Estrada makaraang walang senador ang mag-object at agad na dinala sa deten-syon ng Office of Senate Sergeant-at-Arms si Nones.
Nabatid na kasama si Nones sa kinasuhan ni Sandro Muhlach ng rape sa Department of Justice (DOJ).
Sa pagdinig ng komite kaugnay sa mga reklamo ng pang-aabuso sa ilang mga media network at talent agencies, itinatanggi ni Nones na nakikipag-ayos siya sa pamilya Muhlach sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga ito ng pinansyal na kontribusyon para sa piniling charitable institution ng ama ng aktor na si Niño Muhlach.
Giit ni Estrada, mayroong affidavit hinggil sa financial contribution na alok ni Nones sa pamilya Muhlach at ito ay pirmado ni GMA Senior Vice President Atty. Anette Gozon.
Nakasaad pa sa affidavit na tinanggihan ni Niño ang alok ni Nones at nakasaad din na desidido silang magsampa ng kaso sa HR laban kina Nones at Richard Cruz.
Tinukoy pa ni Estrada na mayroong isyu pa na pinag-take ng iligal na droga si Sandro bago ito inabuso at kinumpirma naman ng National Bureau of Investigation (NBI) na may mga ganitong alegasyon na lumabas.
Parehong itinatanggi ni Nones na nag-aalok siya ng settlement sa mga Muhlach at pinasinungalingan din niya ang alegasyon na pinagdroga nila ang aktor bago isinakatuparan ang sexual harassment.
Dahil dito, nag-mosyon si Estrada na ipa-cite in contempt si Nones dahil sa patuloy na pagtanggi at pagsisinungaling nito sa komite. (Mylene Alfonso)