Advertisers
KUNG kayo ang magulang, na may pinalaking anak, pinag-aral upang gumanda ang kinabukasan, at biglang nawala, ano ang gagawin niyo?
Ganyan ang ibabahagi ko sa inyo sa pamamagitan ng kwento ng buhay ni Mang Bobby Sabellano.
Siya ang magulang ni Yvonne C. Sabellano isang estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na nawawala mula pa nitong March 23, 2024, at nalamang narecruit pala ng New People’s Army (NPA).
Si Bobby, ay nanawagan na sa mga opisyal ng UPLB, at nanlulumo, dahil ang sabi sa kanya, ang unibersidad ay walang magagawa, kung ang kanilang mga estudyante ang may gusto. Kaakibat daw ito ng karapatan ng mag-aaral na ihayag ang kanyang sarili, “freedom of expression” raw ang tawag dito.
Kwento pa ni Mr. Sabellano, pinayuhan pa siya ng mga UPLB officials na huwag iuulat ang pagkawala ng kanyang anak sa anumang ahensiya ng pamahalaan lalong lalo na sa media.
Aba! Di naman ata tama yun? Di ba? Kailan pa nangibabaw ang paaralan sa mga magulang kung ang usapin ay hinggil sa ating mga anak. Katwiran pa, ng UPLB, baka lalo raw kasi malagay sa alanganin ang buhay ng anak ni Mang Bobby.
Eh di ba nga, nalagay na sa alanganin talaga ang buhay ni Yvonne, dahil di naprotektahan ng kanyang mismong unibersidad?
“The first time na nakausap ko ang high officials sa UPLB, ang sabi sa akin na kung ano ang gustong gawin ng estudyante hindi nila pipigilan dahil nasa tamang edad na sila. Freedom of expression daw yon. Sabi sa akin – ‘Hindi na namin saklaw ang dormer at estudyante yung nasa labas ng dorm at sa klase kasi adult na sila. That’s why the logo of UPLB ay walang saplot, ibig sabihin, malayang maka-express ang mga estudyante sa labas ng dorm at klase,” ang paglalahad ni Mang Bobby sa kanyang karanasan ng makipag-usap siya sa mga opisyal ng UPLB.
Kung ganito nang ganito ang mga katwiran ng ating mga unibersidad, aba delikado talaga ang magiging kinabukasan ng ating mga anak, na iginagapang natin sa kahirapan para lamang makapag-aral.
Ang ina namam ni Yvonne ma si Ruth ay nananawagan na rin, na sinuman ang kumukupkop sa kanyang anak ay ibalik na ito na ligtas. Ang panawagang ito ay naktuon sa UPLB Chancellor.
“Nakikiusap po kaming mag-asawa na tulungan niyo po kami na maibalik sa amin ang anak namin, may pamilya din po kayo, may anak at bilang magulang lahat ay gagawin niyo dahil walang magulang ang nangangarap na masira ang kinabukasan ng isang anak. Walang magulang na nangangarap na maging NPA ang anak, walang magulang na nangangarap na nanaisin na wala ng buhay ng iuuwi ang kanilang anak,” ang panaghoy ng mga magulang ni Yvonne.