Advertisers
Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Senador Christopher “Bong” Go kasunod ng panawagan na dapat may managot sa pagkamatay ng dalawang kasapi ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na ang compound sa Davao City ay sinalakay ng malaking puwersa ng pulisya.
Ang operasyon na naganap, bandang madaling-araw noong Agosto 24, ay binuhusan ng humigit-kumulang 2,000 pulis para isilbi ang warrant of arrest sa pinuno ng KOJC na si Pastor Apollo Quiboloy. Dalawang sibilyan ang iniulat na namatay at ilan pa ang nasugatan.
Nagpaabot ng kanyang taos-pusong pakikiramay si Go sa pamilya ng mga namatay at nasaktan sa police raid.
Binigyang-diin ng senador na bagama’t naiintindihan niya ang pangangailangan ng pagpapatupad ng batas, hindi naman tanggap-tanggap aniya paggamit ng labis na puwersa na nagdudulot ng pinsala sa mga sibilyan.
“Alam ko na tungkulin po ng pulis na ipatupad ang batas. Ngunit kinokondena po natin ang karahasang nangyayari dahil importante po sa atin ang buhay ng bawat Pilipino,” sabi ni Go.
Ani Go, mahalaga ang pangangalaga sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan, lalo sa mga sensitibong sitwasyon.
“Full support ako sa ating uniformed personnel basta gawin lang po ang trabaho nang tama. Protect the people! Huwag naman overkill na may masasaktang ordinaryong mamamayang Pilipino lalo’t sa loob pa ito ng lugar ng pagdarasal,” iginiit ni Go.
“Nakalungkot isipin na bakit kailangang humantong sa paggamit ng dahas na ikinasawi ng dalawang kapwa tao at pagkasugat ng ilan pa ayon sa report,” dagdag niya.
Bilang vce cairperson ng Senate committee on public order and dangerous Drugs, binigyang-diin ni Go ang progreso na ginawa sa pagiging propesyonal at modernisasyon ng mga unipormadong tauhan ng bansa.
“We also successfully pushed for salary increases and modernization ng ating mga uniformed personnel noong panahon ni dating Pangulong Duterte,” ani Go.
Dahil dito, umapela siya sa PNP na manatiling propesyonal sa pamamagitan ng pagtupad sa tungkulin, alinsunod sa batas at sa mandatong pagseserbisyohan at poprotektahan ang bawat Pilipino.
“Ang atin lang po ay sana maging non-partisan kayo, gawin niyo lang po ang inyong trabaho, protektahan ang karapatan ng Pilipino. Every operation should be conducted within the bounds of law,” aniya.