Advertisers
Ni Archie Liao
NAGING kontrobersyal ang paghahain ng demanda ni Sandro Muhlach sa dalawang independent contractors na diumanoý nangmolestiya sa kanya noong GMA Gala.
Katunayan, marami ang bumilib sa tatag ng loob ng aktor sa paglantad nito sa publiko hinggil sa nangyari sa kanya.
Para naman sa magaling na aktres na si Elora Espano, siya man ay naging biktima ng sexual harassment.
Nangyari raw ito sa isang proyektong ginawa niya noon.
“Catcalling sa set, lascivious jokes, pamamahiya, unconsensual touching. Naranasan ko ito sa isang set,” bungad niya.
Katunayan, ini-report daw niya ito sa mga namamahala ng produksyon.
“I even reported these instances sa EP during that time but sadly they don’t know how to handle these kinds of situations hence I asked to be pulled out from the show,” pahayag niya. “So ako pang nawalan ng work instead of giving sanctions to the harasser. And surprisingly dami pa ring work ng harasser,” dugtong niya.
Dahil sa naranasang trauma, dumanas din daw siya ng depresyon.
“Nung time na yun I was depressed, anxious and lost kaya di ko na push mag-file ng formal complaint sa pulis. At siyempre, naging priority ko iyong work dahil sa busy schedules ko,” hirit niya.
Pero sa palagay daw niya ay kailangan ng isang batas na may ngipin para maprotektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa sa anumang larangan, lalo na pagdating sa sexual harassment o exploitation.
“I need there is a need na paigtingin pa ang EGL or Eddie Garcia Law para maprotektahan ang mga manggagawa. Di lang para sa named artist, para na rin sa mga background actors, talents and even staff and crew. We need to create a safe space because if we don’t feel safe anymore,” deklara niya.
Sey pa ni Elora, kaisa raw siya ng adbokasya ng kanyang “Her Locket” co-star na si Rebecca Chuaunsu tungkol sa women empowerment.
“Tulad ng sabi niya, she produced the film to be the voice for the voiceless. She wants women to be heard and represented. Especially sa Chinese-Filipino traditional families where sons are always favored over their daughters. She wants to be the voice to be heard to be able to empower her peers,” paliwanag niya.
Sa pelikulang “Her Locket,” ginagampanan ni Elora ang papel ni Teresa Firmante, isang caregiver ng isang babaeng may dementia.
Kuwento ito ni Jewel Ouyang, anak ng mayamang angkan ng mga Chinoy na nagkaroon ng dementia at kung paanong ang isang locket ay magiging instrumento para magbalik ang kanyang alaala.
Pinagbibidahan ng award-winning actress na si Rebecca Chuaunsu mula sa direksyon ni J. E Tiglao, tampok din sa pelikula sina Boo Gabunada, Sophie Ng at Benedict Cua. Kasama naman sa supporting cast sina Francis Mata, Jian Repolles, Tommy Alejandrino, Zoey Villamanca, Norman Ong, Nellie Ang See, Atty. Kesterson Kua at marami pang iba.
Ang pelikula ay naghatid ng best actress award kay Chuaunsu sa 2023 Festival International du Film Transsaharien de Zagora sa Morocco.
Kalahok sa full length film category ng Sinag Maynila filmfest, ang family drama ay mapapanood sa mga piling sinehan mula Setyembre 4 hanggang 10.