Advertisers

Advertisers

3 MALAYSIAN NA KOJC MEMBERS, HINARANG NG BI SA NAIA

0 25

Advertisers

Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at di pinayagang makapasok sa Pilipinas ang tatlong Malaysian nationals na nagpakilalang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) religious group na pinamumunuan ng pinaghahanap na si Pastor Apollo Quiboloy matapos na matuklasang maaaring lumahok ang mga ito sa mga anti-government rallies.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang tatlong pasaherong sina Jessica Lynn Henry, Mimielianna Annie Anak Leesoi, at Andrijosebaul Anak Garra, na pawang nasa mid-20s lamang, ay dumating sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Agosto 27, lulan ng Philippine Airlines (PAL) flight mula sa Kuala Lumpur. Gayunman, hindi sila pinayagang makapasok sa Pilipinas at kaagad ring pinabalik ng Malaysia noong Agosto 28.

Ang mga nasabing dayuhan ay dumating umano sa bansa kasama ang isang grupo ng mga Pinoy na nagpakilala bilang mga miyembro ng KOJC. Gayunman, inabandona sila sila ng grupo matapos na mai-refer sa higit pang immigration inspection.



Sa paliwanag naman ni Tansingco, hindi nila pinayagang makapasok sa Pilipinas ang mga dayuhan dahil sa posibilidad na lumahok sila sa mga anti-government demonstrations.

“Our immigration officers discovered their intent to participate in anti-government demonstrations being staged by KOJC members who are protesting the ongoing manhunt for Pastor Quiboloy,” ani Tansingco.



“Foreigners have no business interfering in the country’s internal political affairs, thus aliens who join these protest actions can be expelled for violating our immigration laws and for being undesirable aliens,” aniya.

Sinabi ng mga BI supervisors na nag-interview sa mga Malaysians na ang mga pasahero ay nagsabing magtutungo sila sa Davao City, sa imbitasyon na rin ng KOJC. Gayunman, wala silang maipakita na anumang katibayan ng kanilang kakayahang pinansiyal upang suportahan ang kanilang pananatili sa bansa at inaming sila ay pawang unemployed.



Habang iniinterview ay di umano sinasadyang naipakita pa umano ng isa sa mga pasahero ang kanyang mobile phone sa mga BI supervisors na may Excel screenshot ng iba’t ibang anti-government slogans gaya ng “BBM Resign,” “Stop KOJC Injustices,” at “AFP/PNP Protect the People.”

Nang pagpaliwanagin hinggil sa naturang screenshot, sinabi ng pasahero na aksidente lamang niyang nai-download ang mga slogans mula sa kanyang Facebook/Messenger page.

Ang mga naturang Malaysians ay isinailalim na sa immigration blacklist at hindi na papayagan pang makapasok muli sa Pilipinas.

Ikinaila naman ng KOJC na ang tatlong dayuhan ay lalahok sa anumang rally dahil dadalo lamang umano sila sa KOJC anniversary. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)