Advertisers
Nanawagan ang mga hog raisers at stakeholders sa Department of Agriculture (DA) na bilisan ang ginagawang pagbabakuna kontra African Swine Fever (ASF).
Ayon sa mga hog raisers na naisagawa naman na ang roll-out noong August 30, sa Lobo, Batangas kung saan nagkaroon ng outbreak ng ASF at kung bibilisan ang isinasagawang pagbibigay ng ASF vaccine sa mga apektadong alagang baboy mas marami ang maililigtas at hindi malugi ang mga nagnenegosyo nito.
Sa nasabing roll-out 10,000 doses ng bakuna kontra ASF ang itinurok pero natatagalan ang proseso nito dahil sa paghihintay ng resulta sa mga isinasagawang pag-aaral ayon sa Food and Drug Administration (FDA) at ‘gene-sequencing’ pa ito.
Ayon kay Briones, hindi na kailangan ito dahil kailangan ang agarang aksyon dahil marami ng kabuhayan ang naapektuhan.
Magkakatuwang na naniniluhod sa pamahalaan sina Agricultural Sector Alliance of the Phillipines (AGAP) Partylist Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones, mga miyembro ng National Federation of Hog Farmers Inc. at Pork Producers Federation of the Philippines, na magdeklara na ng National State of Emergency kontra ASF.
Ayon kay AGAP Rep. Briones, na tinatayang nasa 9 na milyon ang bilang ng baboy sa bansa kung saan 40% dito mga national hog raisers habang 60% ang tinatawag na backyard hog raisers na lubos na nangangailangan ng bakuna.
At ang pagdedeklara ng state of emergency, ang mabisang paraan para agad na mabilis ang roll-out ng bakuna sa mga mas nangangailan lalo na sa mga lalawigan na lubhang apektado ng ASF.
“Kung ‘di nila bibilisan ang paglalabas ng bakuna kontra ASF, e aanin pa ang mga ito kung patay na ang mga alagang baboy,” wika ni Briones.
“Hayaan na ng gobyerno na makabili sa merkado ng ASF vax na aprubado ng Food and Drug Admin. (FDA) ang mga magbababoy upang mapigilan na ang pagkalugi ng mga negosyante. Mayroon nga nabibili sa mga online pero hindi naman sigurado ang mga hog raisers kung epektibo ito,” dagdag pa ni Rep. Briones.
Kaya’t kinakalampag ng mga hog raisers at stakeholders na agarang gumawa ng sistematikong hakbang ang FDA para mabigyang solusyon ang lumalang suliranin ng mga magbababoy.
Ayon kay Rico Geron, CEO ng SoroSoro Ibaba Development Cooperative kung magpapatuloy na magdadamatay ang mga baboy at liliit ang suplay dahil sa ASF, hindi maiwasan tumaas ang presyo ng baboy sa merkado lalo na ngayon darating na Kapaskuhan kung kailan mataas ang demand.
Idinagdag pa ni Geron na handa silang tumulong sa pamahalaan upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga apektadong hog raisers dahil mayroon silang kooperatiba at network sa Luzon tulad ng mga technician at beterinaryo.
Hangad ng grupo ng mga magbababot na magkaroon ng emegency use ng ASF vaccine upang matugunan kaagad ang sitwasyon dahil patuloy ang pagkalat ng sakit sa baboy.