Advertisers
ARESTADO ang isang lalaki nang looban ang tindahan ng lechon manok na dating pinagtatrabahuhan, sa lungsod ng Bacoor, Cavite.
Nakakulong ngayon sa Bacoor City Custodial Center ang 23-anyos na suspek at residente ng Barangay Malagasang 2C, Imus, Cavite.
Sa report ng Bacoor City Police, 10:00 ng gabi nang looban ng suspek ang lechon manok sa Barangay Habay 1, ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, makikita sa kuha sa CCTV ang pagpasok ng suspek na armado ng patalim na itinutok sa empleyado at dinala sa CR.
Dito, sinamantala ng suspek ang pagkakataon saka nilimas ang P21,000.00 na benta at mabilis na tumakas.
Mabilis naman rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at natunton ang suspek makaraan mamukhaan ito na dating empleyado.
Depensa ng suspek, nagalit siya sa may-ari ng lechon manok dahil maliban sa tinanggal siya sa trabaho hindi rin naibibigay ang tamang sweldo.
Nahaharap ngayon sa kasong Robbery ang suspek.