Bakit kailangang ibalik si Yorme Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa cityhall sa midterm elections sa Mayo 2025?
Itinadhana kasi, tulad noong 2019, midterm elections din nang talunin niya si dating Mayor President Joseph Estrada — at sa unang buwan, agad-agad nilinis niya ang maruruming kalsada ng Maynila.
Tinupad ni Yorme Isko ang pangako niya noon, ang dating amoy-ebak, marumi at magulong commercial district sa lungsod, nilinis niya.
Ang paligid ng Liwasang Bonifacio — na kinaroroonan ng monumento ng dakilang Supremo ng Katipinan, pinagtiyagaan niyang linisin, at matatandaan ang sinabi ni Yorme Kois, kaylapit niyon sa sentrong gobyerno ng Maynila, tapos, eto, sabi niya, nagkalat ang dumi, amoy-tae.
Ito ngayon ang kalagayan ng lugar, pinabayaan na, nagbalik sa dating masangsang na amoy ng magkahalong panghi at bantot ng dumi ng tao at nagkalat na ligaw na aso’t pusa.
Nagbalik ang naitaboy na batang-hamog at naging pugad uli ng latak ng lipunan.
Akala ni Isko nang iwan niya ang cityhall at itiwala sa dating bise-alkalde niya, ngayon ay Mayor Honey Lacuna, mapananatili ang ningning at sigla ng paligid at iigpaw ang kabuhayan at buhay ng Manilenyo.
Kung napanatili sana ni Mayora ang iniwang pamana niya sa cityhall, talagang Senado ang target ni Yorme, pero ano ang idinadaing sa kanya ng kababayan, sana bumalik siya, sana muling tumakbong alkalde, at ibalik ang ganda at sigla ng Maynila.
Paano matatanggihan ni Isko ang hinaing ng Manilenyo na di nakaramdam ng kalinga sa mga nasa cityhall.
Walang maipakikitang maayos na infrastructure program, kapos ang malasakit sa health care, balik ang di-maayos na trapiko, at asan ang pangako ni Mayora na trabaho, hanapbuhay, at masiglang turismo.
Magulo na uli, marumi na uli ang Quiapo at Divisoria; balik-sa-dati ang Recto Avenue in Manila, Juan Luna at ang mga street vendor, balik sa kalye at matamlay ang dating masiglang turismo ng Maynila.
Napanatili ba ang 47 parke at pook-pasyalang pinaganda ni Yorme, mapait ang sagot: hindi!
May naidagdag bang bagong pasilidad at maalwang kapaligiran sa loob at labas ng mga paaralang publiko, kolehiyo at unibersidad sa Maynila?
Wala, dati pa rin, at hindi na nadagdagan ang mga nailagay na solar panel, rainwater collectors sa mga paaralang publiko para makatipid sa elektrisidad at magamit at di masayang ang tubig-ulan.
Zero, bugok na itlog ang environment projects ng gobyerno ni Mayora Honey.
Huwaran ng ibang bayan at lungsod ang Maynila noong nasa cityhall si Yorme Isko at sa social media, bumabaha ang pagpuri sa kanya, at ang wish at request ng mamamayan sa ibang lalawigan, kuing puwede raw mahiram muna si Yorme Isko Moreno upang mapatino, mapaganda ang takbo ng kanilang pamahalaang lokal.
Pag tinatanong kung ano ang sekreto niya sa mabilis na pag-igpaw ng ekonomya kabuhayan ng Maynila, ang sagot ni Moreno, wala secret formula.
Kailangan lamang ay makinig, kumunsulta, dinggin ang nais ng taumbayan, at iyon ang gawin at sasama, magtitiwala ang mamamayan.
Paano niya nagawa ang nagawa niya sa Maynila, sagot niya, kasi, siya ay laki sa hirap, dama niya, naranasan niya, alam niya ang puso, ang damdamin, pangarap at naisin ng mahihirap.
Kasi, galing siya at lumaki sa hirap at tanging pagsisikap, pagtitiyaga at di pagbitiw sa pangarap ang naging hagdan niya kaya umangat at umasenso sa buhay.
Akala ni Yorme, nasa mabuting kamay na ang Maynila, at iyon ang inasahan niya, pero ano ang sinasabi ng Manilenyo sa mga miting, caucus at mga mensahe sa kanya?
Bumalik na siya, nakikiusap na tumakbo uli, kaya ano ang tugon niya: “Paano kong tatanggihan ang hiling nila? Narinig ko ang daing nila, nararamdaman ko ang hinagpis nila at sino ako para hindi makinig, sino ako para hindi kumilos, sino ako para iwanan sila?”
Ang dating maganda ay pumangit na, kaya kailangan niyang magbalik at maglinis na muli.
Sa mga miting ni Yorme, masigabo ang katuwaang sigaw, “Babalik na si Yorme, gaganda at sisigla na uli at aasenso na uli tayo,” sabi ng karaniwang tao.
Babalik ang infra projects, babalik ang investments, babalik ang maayos na takbo sa cityhall, at babalik ang paghanga sa Maynila — tulad noon.
Kay Yorme Isko, babalik uli ang ningning at sigla ng Maynila.
At titiyakin ito ng mamamayang Manilenyo babalik sa cityhall si Yorme Isko.
Kung naayos niya ang Maynila noon, magagawa niya uli ito sa Mayo 2025!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].