Advertisers
Noong Pebrero 2013, sinertipika bilang “urgent” ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang isang panukalang batas na magtatatag ng pambansang balangkas para sa pamamahala at paglalaan ng likas na yaman ng bansa.
Nakabinbin kasi sa ikatlong pagbasa sa Senado ang Senate Bill No 3091, na mas kilala bilang National Land Use Act (NLUA). Halos dalawang dekada na itong nagluluksa sa Kongreso.
Ang counterpart measure nito sa House of Representatives, ang House Bill 6545 o ang National Land Use and Management Act, ay humadlang sa ika-3 at huling pagbasa noong Setyembre 2012.
Subalit hindi umusad ang proposed bill na ito hanggang sa natapos ang termino ni Noynoy.
Noong panahon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hiniling nito sa Kongreso na tuluyang maipasa ang NLUA sa dalawang nakaraang SONA, noong 2017 at 2018.
Sa ikatlong pagkakataon, ginamit muli ni Duterte ang kanyang SONA para hilingin muli sa Kongreso na ipasa na ang NLUA, kung saan ay nagtakda siya ng deadline na ipasa na ito hanggang sa katapusan ng 2019.
“Hinihiling ko pa sa Kongreso na agarang ipasa ang National Land Use Act o NLUA sa loob ng taong ito,” ani Duterte sa kanyang SONA.
Ipinasa ng Kamara ang bersyon nito ng NLUA noong Mayo 2017. Sa Senado, mayroong limang katulad na panukalang batas sa komite ng kapaligiran at likas na yaman ng Senado.
Hanggang sa natapos ang termino ni Duterte ay hindi man lang nagkaroon ng deliberasyon hanggang nabulok nalang sa Senado ang NLUA bill.
Sa kanyang unang State of the Nation Address noong Hulyo 2022, muling humingi ng suporta sa mga mambabatas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipasa na ang NLUA bilang isa sa mga priyoridad ng legislative agenda ng kanyang administrasyon.
Sinabi ni PBBM, ang pagpapatupad ng NLUA ay isasama ang lahat ng mga mandato at patakaran sa paggamit at proteksyon ng mga lupain, kabilang ang mga parameter na gagabay sa pagpaplano sa parehong pambansa at lokal na antas.
Aniya, ang panukala ay magbibigay-daan sa Pilipinas na “matugunan ang mga hinihingi ng mga mamumuhunan na pumapasok.” Ito rin ay “magsisilbing batayan para sa mga LGU sa pagbuo ng kani-kanilang mga plano sa pagpapaunlad at makatutulong sa pagpapakalat ng mga aktibidad sa ekonomiya para sa kanayunan.”
Sa wakas, sa boto na 262-3-0 (yes-no-abstain) ang House Bill No.8162 o ang panukalang NLUA ay inaprubahan ng House of Representatives noong Mayo 22, 2023. Laking tuwa at agad nagpasalamat si PBBM sa mga mambabatas sa agarang pagpasa ng bill.
Pagkaraan ng dalawang araw, agad ipinadala ng mababang kapulungan ang NLUA sa Senate committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, na pinamumunuan ni aling Senadorang Cynthia Villar at dito na nalintikan.
“Kapag mamalasin ka nga naman, sa dami ng mga senador, napunta sa komite ni Villar ang NLUA. Ang NLUA ay halos tatlong dekada ng hindi naipapasa dahil may kanya-kanyang vested interest ang mga mambabatas, “ ayon kay Las Piñas Councilor Mark Anthony.
Dahil napunta ang NLUA sa komite ng pinakamayamang Senador sa bansa na si Villar, kahit 10 dekada pa itong pag-usapan o mahabang deliberasyon sa plenaryo hindi pa rin ito maisasabatas hanggang sa matapos ang termino ni PBBM, ayon kay Santos.
Ani Santos, mukhang sinadyang balewalain ni Villar at ng kanyang mga kaalyado sa Senado ang panukala dahil maghihirap at magdedepreciate ang mga negosyo nila bilang land developer.
Ang negosyo ng pamilyang Villar ay may kinalaman sa real estate, condominiums, retail industries, mining, malls, at iba pa. Paano nga naman uusad ang NLUA.
Bukod pa dyan, ang 74 anyos na senadora ay chairperson ng committee on agriculture, food and agrarian reform. Tapos ang kanyang anak na si Mark na isa ring senador ay miyembro ng komite ng kanyang nanay bilang deputy majority.
Ang matandang Villar ay chairman din ng committee on environment, natural resources and climate change tapos vice chairman ang kanyang anak, lintek.
***
Bakit ba kahit may desisyon ang Supreme Court (SC) na pwede nang ituloy ang P103.8-billion Las Piñas-Parañaque Coastal Bay Reclamation Project, ito ay kinokontra ni Sen. Cynthia Villar?
Banta ang proyekto sa real estate empire ng pamilya Villar, sabi ni Konsehal Santos — na may itinatayong Villar City.
Pag naumpisahan ang reklamasyon, may papasok na bagong mga real estate developer na magbibigay ng malakas at matinding kumpentensiya sa pamilya ng senadora.
Sabi ni Santos:: ” xxx If the reclamation project pushes through, it will allow other players to enter.”
Ang pagkontra ng senadora, ang pagkontra ay kaugnay ng negosyo ng pamilya Villar.
“The blocking is purely motivated by business,” sabi ni Councilor Santos sa isang interbyu ng pahayagang Daily Tribune.
Sa isang press statement noong Hulyo, inihayag ni dating Senate President Manuel Villar Jr. na magtatayo sila ng isang 3,500- ektaryang lawak na Villar City.
Itatayo sa proyekto ang dalawang malaking golf courses, isang simbahan, isang ospital, events arena, isang prestigious university, isang malaking entertainment complex, mga kongkretong kalsada na tatawid sa Cavite at Metro Manila.
Pag natuloy ang proyekto, wala na raw aagusan ang apat na ilog ng Las Piñas at Parañaque, ito ang dahilan sa pagkontra ng senadora sa reclamation.
Di ito totoo, sabi ni Konsehal Santos, at naitanong niya: “Imagine how many creeks, seaways, reservoirs, and inland waterways have been blocked and impeded by this ambitious project of the Villars that was launched in August last year.”
Oo nga naman, hindi maiiwasang galawin, at maaaring matabunan ang mga daanan ng tubig sa pag-uumpisa ng itinatayong Villar City.
Sa mga nakausap natin na matagal nang residente ng Las Piñas at Parañaque City, noon pa mang dekada 60-70 na pag may bagyo, umaapaw na sa tubig-baha sa mga kalsada at mga bahay sa siyudad at katabing Zapote sa Bacoor, Cavite.
Yung pangamba ng senadora na walang madadalaluyan ang apat na ilog ng siyudad, makakayang masolusyonan ito ng magagaling na inhinyero ng Alltech, lalo na at pinayagan na ng DENR ang mga plano, teknikalidad at iba pang pagawain sa reklamasyon na sasagot at lulutas sa mga dahilang iniiyak ng senadora sa pagkontra sa Las Pinas-Parañaque City Reclamation Project.
Ayon kay Santos, tiyak na magbibigay ng malaking oportunidad sa maraming trabaho, hanapbuhay at maayos na impraestruktura sa Las Piñas at Parañaque.
Kung maitayo ang proyekto, malaking ambag sa income ng siyudad ang ibibigay nito na magpopondo sa maraming programa sa socialized housing, trabaho at kabuhayan pa ng mga taga-Las Pinas.
Ang tanong ni Santos: Ayaw raw ba ni Sen. Cynthia ang magkaroon ng mas malaking income ang siyudad at paglago ng negosyo na magpapaginhawa ng mga mamamayan ng Las Piñas.
Kung kami lang, dapat siguro ay wag nang kontrahin ang reclamation project kasi ang resulta nito ay ang dagdag na trabaho, hanapbuhay, impraestruktura, kabuhayan at mas maraming negosyo para sa mamamayan ng Las Piñas.
Hindi lamang sa negosyo nila nakatutok ang pamilya Villar, tama po ba kami Sen. Villar?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.