Advertisers

Advertisers

BUMABALIK SI BAM AQUINO

0 74

Advertisers

IBINIBIGAY ng gobyerno ang itinakdang libreng edukasyon sa kolehiyo. Maraming kabataan ang nakikinabang sa libreng edukasyon sa kolehiyo. Ngunit nanatiling isang malaking suliranin ang kawalan ng hanapbuhay sa malaking bilang ng mga nagtapos ng kolehiyo.

Tuwang-tuwa ng nagtapos sa kolehiyo ang marami sa kanila, ayon kay Bam Aquino, dating senador at campaign manager ng kampanya ni Leni Robredo sa halalan pampanguluhan ng 2022. Pagkalipas ng dalawang buwan, malungkot sila dahil wala silang nakitang trabaho sa merkado, aniya. Ito ang problema ngayon sa programa ng gobyerno na magbigay ng libreng edukasyon at kailangan itong harapin, aniya.

Kailangan magkaroon ng integrasyon ang sistemang edukasyon at paggawa, ani Bam sa kanyang pagharap sa mga kasaping mamamahayag ng Capampangan in Media, Inc. (CAMI) sa isang pulong balitaan noong Biyernes sa Angeles City. Kailangan magkaroon ng sistema na ihahanda ang mga graduate ng programa ng gobyerno sa libreng edukasyon sa negosyo at paggawa upang hindi masayang ang mga graduate.



Isa ito sa mga dahilan, ani Bam, kung bakit nagdesisyon na bumalik siya sa Senado kahit alam niya na dadaan siya sa butas ng karayom sa proseso ng malayang halalan. May mga inihanda siyang panukalang batas upang tuwirang mabigyan ng kahulugan at ngipin ang batas ng libreng edukasyon sa kolehiyo.

Si Bam Aquino ang pangunahing may-akda ng batas sa libreng edukasyon sa kolehiyo. Si Bam ang nagtrabaho sa Senado kasama si Karlo Nograles sa Camara upang ipasa ang ito. Inabot ng 30 taon bago ito naipasa sa Kongreso. Ipinasa ito at nilagdaan ni Gongdi kahit walang budget na inihanda. Naghanda si Bam at Karlo ng budget upang tuluyang ipatupad ito sa bansa.



Inamin ni Bam na ang naghaharing koalisyon ni BBM ang nangungunang pwersa at tumatayong oposisyon ang pamilya Duterte. Tumatayong pangatlong pwersa ang mga pinagsamang dilawan at pinklawan, ngunit may pasubali siya sa talakayan. Nanonood lang ang dilawan at pinklawan sa ngayon, pero may sariling tao ito, aniya.

Isa ito sa mga batayan kung bakit nanatili ang kumpiyansa ni Bam na kapag nag-init na ang kampanya sa mga susunod na buwan, lalabas ang mga tao na kumakatawan sa puwersang dilawan at pinklawan upang ipanalo ang mga kandidato sa hanay nila.



Nilinaw na bagaman nagkakaisa ang naghaharing koalisyon ni BBM at ang pwersang dilawan at pinklawan na isiwalat ang mga kawalanghiyaan ng pamilya Duterte at kampon nila, walang usapan o anumang tactical alliance sa pagitan ng dalawang puwersa. Nanatiling kanya-kanya ang lakad ang dalawa sa pulitika, aniya.

Sang-ayon si Bam Aquino sa pananaw ng nasapawan ng Camara de Representante ang Senado sa pagtalakay ng mga pangunahing suliranin ng bansa. Ngunit hindi ito nangangahulugan na kailangan tunawin ang Senado upang magbigay daan sa isang kapulungan. Mas lalong kailangan ihalal ang mga may karanasan at galing upang tumino ang Senado, aniya.

Hindi natutuwa si Bam sa mga naglipanang dinastiya or pamilya pulitikal na sa ganang kanya ay pinagkakaitan ng pagkakataon na sumali ang ilang nilalang na patakbuhin ang bansa. Layunin niya muling isinumite ang kanyang panukalang batas na ipatupad ang probisyon ng Saligang Batas na tuwirang nagbabawal ang mga dinastiyang pulitikal.

Sa pagtakbo ni Philip Salvador at Willie Revillame, kinilala niya ang kanilang karapatan na humarap sa sambayanan at kunin ang kanilang pagsang-ayon sa pamamagitan ng boto. Ngumiti si Bam ng marinig ang pangalan ni Philip Salvador, ang dating kasintahan ng pinsan na si Kris. Hindi kinilala ng pamilya Aquino si Salvador.

Hindi sang-ayon si Bam ang panukalang ipagbawal ang Tiktok, isang social networking site, sa buong bansa dahil nagbibigay ito ng hanapbuhay sa maraming kababayan sa larangan ng tinatawag na e-commerce.

***

MAS matimbang sa amin bilang paksa si Bam Aquino imbes na si Sara na umastang siga sa Camara. Hindi balita sa amin ang giit niya na bantayan ang chief of staff na si Zuleika Lopez. Walang ikabubuti sa bayan kung tatalakayin ang kawalan ng paggalang ni Sara at kahit ang kapatid na si Polong sa Camara de Representante bilang institusyon.

Walang napala ang sambayanan sa mga asta ni Sara. Wala siyang pinatunayan sa pagbabantay niya kay Zuleika. Ipinakita niya kung hanggang saan siya bilang malditang anak ng isang isinukang maton ng bansa.

Hindi nakaharap ang bansa sa suliranin nang si Leni Robredo ang bise presidente. Hindi binigyan ni Leni ng problema ang bayan. Nang pumalit si Sara kay Leni sa pagtatapos ng kanyang termino noong 2022, si Sara, ang maldita, ang problema.

***

ISANG yugto sa nakaraang pagdinig ng Chua komite noong Miyerkules ang pagkompronta ni Deputy Speaker Jay Jay Suarez kay Zuleika Lopez ang tungkol sa liham na ipinadala niya sa CoA kung saan hiningi niya na kung maaari huwag ibigay sa Camara ang audit report ng CoA sa OVP. Kinuwestiyon ni Suarez kung may poder ang OVP na gawin ito. Inamin ni Lopez na wala silang poder at ito ang batayan ni Rep. France Castro upang patawan ng “contempt” si Lopez at ikulong sa Camara hanggang Lunes.

Tagpo sa pagdinig ang pag-amin ni Lopez sa tanong ni Luistro na siya ang hatchet woman ni Sara. Siya ang nagsabi sa limang mataas na opisyal ng Deped na sinibak sa puwesto dahil hindi magkasundo si Sara. Kasama sa lima si dating Deped Undersecretary Gloria Mercado na hindi sumang-ayon sa gusto ni Sara tungkol sa imprastraktura ng Deped. Katwiran ni Lopez: “Isolated case iyan.”

***

MGA PILING SALITA: “Nakakagalit itong si Sara Duterte ano? Kunwari naawa siya sa mga tao niya eh bakit hindi kasi siya ang sumagot! Ibinabala niya sa kanyon ang mga tao niya! Siya ang sumagot sa mga tanong tungkol sa confi funds! Siya ang pinaka bossing kaya yung accountability ay sa kanya!” – Isabel Merana, netizen. kritiko