Nasawi ang tatlong katao na magkakapamilya at dalawang bumbero ang nasugatan nang lamunin ng apoy ang isang dalawang palapag na commercial building sa Jolo, Sulu, Martes ng umaga, Nobyembre 26, 2024.
Itinaas sa second alarm ang sunog at naapula pagkaraan ng halos isang oras.
Sinabi ng mga awtoridad na posibleng na-trap sa loob ng gusali ang mag-asawa at 13-anyos na anak na nangungupahan sa ikalawang palapag ng gusali, at namatay sa suffocation.
“Actually, ang sabi sa amin, yung lalaki at ‘yung asawa (nakalabas) na sila. Tapos, ‘yung anak naiwanan nila sa loob. Yun ang binalikan. Di na sila nakabalik kaagad, parang na-suffocate,” ani BFP-Jolo Acting Fire Marshall, SFO4 Abdulyakin Jamaluddin.
Dalawang bumbero rin ang nasugatan. Isa sa dalawa ang dinala sa isang ospital sa Zamboanga City nang magtamo ng mga pinsala sa ulo.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog kungsaan umabot sa P400,000 ang pinsala sa ari-arian.