Advertisers
Hirap na makahanap ng itutugon ang panauhin mula sa tanggapan ng abalang pangulo sa mga tanong na ipinupukol ni Kin. Jinky Luistro hinggil sa usapin ng pagbabayad ng tangapan sa usapin ng Confi & Intel Fund. Sa payak na mga katanungan hindi tuwirang masagot at nagkakandalito sa paghagilap ng paiwas na tugon na dahilan sa pagtaas ng presyon at paghingi ng ilang minutong pahinga. Sa pagpapahinga tila tuluyang tumaas ang presyon na dahilan sa pagtawag ng “medical team” ang punong kinatawan na dumidinig sa usapin. Dahil sa kaba at nanginginig na katawan ng panauhin hindi na nakabalik sa pagdinig at tuwirang inilabas sa silid ng pagdinig ng malapatan ng karampatang lunas ang panauhin.
Sa totoo lang, payak ang mga katanungan at yakang yakang matutugunan ng isang batikan sa gawain ng pagbabayad na nagmula sa tangapan ng alkalde hanggang sa tanggapan ng pangalawang pinakamataas na lider sa pamahalaan. Walang katanungang ibinabato na wala sa dokumentong nakalap mula sa tanggapan ng inusisa na lumustay sa pera ng bayan. Walang dagdag o bawas ang mga tanong na ibig malinawan kung paano, sino sinong tao nakapaloob sa transaksyon kabilang ang mga tumanggap ng salaping nakasalang sa pagdinig. Bago ang lahat ang pinag-uusapan ay ang P125M na ginastos sa 11 araw este 7 araw ang tama ayon sa tanong at sagot sa pagdinig. Hindi pa natatalakay ang P617M na tila mas mahirap sagutin na naglalantad sa kasibaan sa salaping bayan ni Inday Siba ng kaTimugan.
Pasakalye ang nasa ibabaw, ibig pansinin ang larawan ng mga tseke na mula sa isang banko na pag-aari ng pamahalaan, ang LandBank of the Philippines (LBP). Ang Landbank ang isa sa dalawang bangko ng pamahalaan kung saan pumapasok ang bulto ng pondo ng gobyerno. Ang Landbank ang naatasan ng pamahalaan na maging pangunahing banko sa mga transaksyong pananalapi ng mga tangapan ng pamahalaan. Silip ang dami ng sangay ng Landbank sa buong kapuluan ang dahilan upang maging pangunahing bangko na magseserbisyo sa pamahalaan. Sa dami ng sangay, hindi maisasantabi na malawak na nagagamit ang banko sa mga transaksyon na pinapasukan ng mga tangapan ng pamahalaan. Sa totoo lang, nariyan ang punto na gamit ang LBP sa programa ng 4Ps o ayuda ng pamahalaan. Silip sa buong kapuluan ang sangay ng bangko higit sa pagsasama ng LBP at UCPB na naganap sa nakaraang panahon. At pansamantalang pasasalamat at hindi natuloy ang pagkain ng LBP sa DBP na binalak sa unang mga taon ng kasalukuyang pamahalaan.
Sa pagiging bangko ng pamahalaan, masisilip na karaniwan na makikita ang mga kawani ng gobyerno sa mga sangay ng Landbank sa buong bansa upang ilabas ang kaperahan mula sa sahod na natatangap. Sa lawak ng nasasakupan hindi magdadalawang isip na sabihing matatag na bangko ang LBP at makakatiyak na hindi mawawala ang kaperahan. Dahil sa malaki at lawak ng Landbank, nagpasya ang pamahalaan na maging pangunahing lagakan ng salapi ng pamahalaan ang bangko na dahilan sa mismong paglaki ng mga pag-ari arian higit ang kaperahan. Sa kautusan mula sa pamahalaan, napansin sa pagdinig ng malawak na kapulungan ang mga larawang ipinakita ang tsekeng gamit sa transaksyon sa paglalabas ng pera ng CIF mula sa tangapan ng abalang pangulo. Mula sa Landbank ang tsekeng gamit, ‘di minamasama ang nakitang gamit na mga tseke subalit o tila tahimik ang bangko sa naganap na transaksyon gayung dalawang taon na ang nakalipas. Dahil ba sa bank secrecy law o sadyang kalakaran ng bangko na manahimik ng ‘di madamay sa usaping pambansa.
Sa nakaraan, ang Landbank ang banko na palasak na dinadaanan ng mga transaksyon ng mga kinatawang bayan sa pangwawaldas ng P10B PDAF. Sa nasabing transaksyon hindi maikakaila na sumikat ang pangalang Janet Napoles na kasama ng maraming mambabatas na lumustay sa salaping bayan. Ang masakit, maraming maliliit na kawani ng pamahalaan na nadamay sa usapin na nawalan ng kinabukasan at nahaharap sa pagkapiit dahil sa PDAF. Sa laki ng perang nawala sa bayan, hindi o walang napanagot na kawani ng Landbank na dinaanan ng transaksyon gayung ang banko ang padaluyan ng salaping bayan na dinambong ng maraming kawatang bayan na napatunayang nakinabang sa PDAF. Sa totoo lang, mahalaga ang papel ng Landbank bilang padaluyan ng transaksyon ng PDAF subalit hindi na gasgasan sa usapin. Ang tanong, sakop pa rin ba ng bank secrecy law ang naganap na transaksyon at ‘di nagasgasan ang bangko gayung dito nagaganap ang pinakamahalagang trasaksyon, ang paglabas sa kaperahan ng PDAF. Batid ng bayan ang kaganapan ngunit ‘di ang pagka-umid ng bangko sa lupa.
At nariritong muli ang maanomalyang transaksyon, hindi nawala sa larawan ang Landbank na bulag, pipi at bingi sa kaganapan. Ang paglalabas ng pera higit na may kalakihang halaga’y naganap na muli sa bakuran ng bangko. Sa pagdinig walang banggit sa banko at ang tanging bangit ay hindi pinahawakan ang salapi kahit sa tanod ng Landbank. Naganap ang transaksyon sa loob ng isang araw na tuwirang masasabing ginamit ang malalaking “armored vehicle” para sa CIF ng abalang pangulo. At masasabing, naulit ang kasaysayan at mauulit na ‘di madamay sa usapin ang Landbank gayung malaki ang ambag sa paglalabas ng pera ni Mang Juan. Ang pinakamasakit ‘di batid ang pinuntahang mga tustusin na nagpasikat kay Mary Grace Piattos, at ibang chichiria sa bansa.
Malawak ang usapin na maging ang usapin ng liderato ng bansa ang sangkot. Sa usapin, muling tahimik ang Landbank ngunit silip ang kinang sa maanomalyang partisipasyon sa transaksyon. Tila makakahulagpos na muli ang Landbank gayung usaping salapi ng bayan ang nakasalang. Walang pag-uulat ang Landbank sa usapin ng CIF gayung harapan na pinag-uusapan ang salaping pinagmulan ay galing sa pondo ng pamahalaan. Walang pagtatatwa na hindi pribadong salapi ang usapin, ito’y pera ni Mang Juan ipinadaloy sa poder ng banko. Hindi makita ang katuwiran ng bank secrecy law dahil malinaw na galing sa pamahalaan ang perang pinakakapitan sa bangko. Tangap na kailangan ang batas ng bank secrecy law, kung pribadong salapi ang nakasalang. Ngunit at muli sa pagkakataong banggit, salapi ng bayan tulad ng PDAF ang nakasalang, ang CIF. Ang pag-uulat kung paano nailabas, anong oras, araw at sino ang kumuha’y tungkulin ng bangko na iulat sa nakakataas o maging sa BSP, COA at GCG. Ang pananahimik ng Landbank ang tuwirang pagtatakip sa maling transaksyon ng mga opisyal ng bayan gamit ang bangko at ang batas ng bank secrecy law mula noon hangang ngayon. Kung damay ang liderato ng bansa sa usapin, ngayon ang tamang panahon na baguhin o buwagin ang banko na bulag, pipi at bingi sa kaganapan ng CIF ni Inday Siba at ng tatay.
Panghuli, binabati ng Batingaw si Tem Dejon na Pambansang Pangulo ng All Workers Alliance Trade Union sa kanyang kaarawan. Maligayang Kaarawan Ka Tem.
Maraming Salamat po!!!!