Advertisers
Arestado na si Hector Pantollana na sangkot sa multi-billion peso investment scam sa bansa.
Nahuli si Pantollana ng Indonesian authorities sa Bali noong Nobyembre 9 na agad naman naman dineport sa bansa at matagumpay naman naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Naganap ang turnover kay Pantollana sa mga tauhan ng CIDG sa Terminal 2 Seokarno-Hatta International Airport sa Jakarta Indonesia sa presensya ng Philippine Police Attache sa nasabing bansa.
Dumating si Pantollana sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kahapon lulan ng Cebu Pacific Airlines Light 5J760.
Matapos itong basahan ng Miranda Rights ay agad itong idiniretso sa tanggapan ng CIDG sa Camp Crame para sa medical processing at biometrics.
Ayon kay Pantollana, Hindi umano niya tinatakbuhan ang kaso sa Pilipinas at mayroon lamang siyang malaking utang sa iilang tao na hindi niya nabayaran.
Taliwas umano ito sa reklamo ng mga biktima ni Pantollana na nagreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI)- Cordillera Administrative Region dahil sa million-million umano ang na-scam nito sa mga biktima.
Si Pantollana din umano ang itinuturong boss ng kilalang toy collector na si Yexel Sebastian at kanyang nobya na si Mikee Agustin na naireklamo din dahil sa ₱200 milyon umanong nakuha para sa investment scheme. Nagtatago pa rin sa awtoridad ang dalawa hanggang ngayon.
Karamihan sa mga naging biktima ay mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Nahaharap si Pantollana sa patong-patong na kaso.
Naisyuhan ito ng 12 warrants of arrest kung saan ang dalawa dito ay Syndicated Estafa sa Baguio at Iligan City na parehong walang piyansa.
Pansamantalang mananatili si Hector sa kustodiya ng Anti-Organized Crime Unit ng CIDG habang pinoproseso ang mga patong-patong na kaso laban dito. (GAYNOR BONILLA)