Advertisers
DINUKOT ng mga armadong lalaki, na nagpanggap na mga pulis, ang isang Chinese na boss umano ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Parañque City.
Sa ulat, ipinakita ang video footage nang dumating sakay ng puting van sa nirerentahang bahay ng biktima ang anim na armadong lalaki na nakadamit at vest na may nakalagay na “Pulis”.
Nang makapasok sa bahay, dinis-armahan ng mga suspek ang security guard at isinakay sa van ang Chinese na nakaposas.
“Pumasok po sila around 3:20 [pm] at lumabas around 3:50 [pm] siguro. Around 30 minutes sila sa loob ng village,” ayon kay Lieutenant Colonel Eric Angustia, assistant chief of police for administration ng Parañque City Police Station.
Ayon kay Angustia, hindi totoong pulis ang mga salarin na nagawang makapasok sa subdibisyon matapos magpanggap na magsisilbi ng arrest warrant.
“Ayon sa security guard sa Gate 1, nagpakilala sila na mga pulis at may operation sa loob, magsi-serve ng isang warrant of arrest. Nagpanggap lang ito na mga pulis para mabilis makapasok,” pahayag ni Angustia.
Hindi pa alam kung saan dinala ang biktima at wala pang impormasyon kung humingi ng ransom ang mga kidnapper.
“Isa kasi sa modus ng mga Chinese, kung hindi nakapagbayad ng utang, pinapakidnap nila ang kanilang kababayan at pinapatubos din sa mga kamag-anak doon sa China, related din po sa POGO,” sabi ni Angustia.
Lumilitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na dating security guard sa subdibisyon ang isa sa mga salarin.
Nakita ito na kausap ang dalawang guwardiya ng biktima ilang araw bago mangyari ang pagdukot.
“Lumalabas po sa imbestigasyon na kasabwat sila sa insidente kaya inaaresto natin sila, yung dalawa,” ayon kay Angustia.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga inaresto na nahaharap sa kasong kidnapping habang patuloy na hinahanap ang biktima.