NAGBABALA si Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco Marbil, sa mga pulis na masasangkot sa moonlighting o pagbibigay ng private security sa mga kandidato ngayong papalapit ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Marbil, “strictly not allowed” ang ganitong gawain para sa mga pulis, at may kaparusahang aabot sa pagkakasibak sa tungkulin ang sinumang mahuhuling pulis na gagawa nito.
Paliwanag ni Marbil na nakalaan lamang ang mga security escort na aprubado ng Commission on Elections kung may lehitimong threat o banta sa buhay ng isang politiko.
Ngunit kailangan pa aniyang linawin at pag-usapan ang mga patakaran ukol dito kasama ang poll body at hanggang sa 2 police escorts lamang ang maaring ibigay sa isang kandidato.
Binalaan ni Marbil ang mga pulis na lalabag sa kautusan na sila’y matatanggal sa serbisyo, at ang mga kasamahan nilang magtatangkang protektahan ay makakasuhan din.
Tiniyak din ng PNP na hindi nila kukunsintihin ang anumang paglabag na makaaapekto sa pagiging neutral at patas ng kanilang organisasyon sa halalan.