Advertisers
Ni Archie Liao
FOR the first time ay nagpaunlak ang dating aktres na si Katherine Luna na magsalita hinggil sa diumanoý naging anak nila noon ng ex na si Coco Martin.
Sa vlog ni Julius Babao, nilinaw niya na never siyang humingi ng pera sa aktor noong panahong pinanganak niya si Nicole.
Gayunpaman, aminado naman siyang simula noong tatlong taon ang anak ay unti-unti niyang nakikita ang pagkakaiba ng physical features ng anak kay Coco, kaya nabuo ang kanyang paniniwala na hindi talaga ito bunga ng kanilang panandaliang relasyon ng Kapamilya Primetime King.
Ayon pa kay Katherine, pinili niyang umiwas noon sa isyu, lalo na nang lumabas ang resulta ng DNA test na nagpapatunay na hindi si Coco ang ama ng bata.
Maliban dito, ikinuwento niyang nasaktan siya nang hiramin umano ni Coco si Nicole nang hindi niya alam, habang nasa pangangalaga ito noon ng kanyang ina.
Dahil dito mas pinili niyang ilayo ang anak upang maiwasan ang anumang maling akusasyon na gumamit siya ng pera ng aktor.
Dagdag pa niya, hanggang ngayon daw ay hindi pa nakikita ni Nicole ang kanyang biological father na isang Chinese businessman na kasal sa isang aktres.
Hindi rin niya tinumbok kung sino ito para pangalagaan ang kanyang pangalan.
Sa naturang panayam, humingi rin siya ng tawad kay Coco sa kanyang nagawang pagkakamali.
Sa kabila ng kanyang matagumpay na showbiz career noon, nagpaliwanag din siya kung bakit hindi siya nakabalik sa limelight.
Aniya, nagkasakit daw siya noon na dahilan para malimitahan ang kanyang mga galaw.
Aminado rin siyang nalihis ang kanyang landas pero patuloy daw siyang kumakapit sa dasal.
Nawalan din daw siya ng kumpiyansa sa sarili nang magkaroon ng diperensiya ang kanyang isang mata.
Ayon naman daw sa kanyang manggagamot, puwede pa raw namang malunasan ang kanyang karamdaman.
Sina Katherine at Coco ay nagkakilala noon sa isang indie film kung saan nabuo ang kanilang ugnayan.
Samantala, ayon naman sa isang reliable source, nakarating daw kay Coco ang mga sinabi ni Katherine sa vlog ni Julius.
Ayon sa kampo ni Coco, gusto raw tulungan ng aktor ang ex.
Katunayan, bet daw ng FPJ’s Batang Quiapo star na isama si Katherine sa kanyang serye.
Gayunpaman, uunahin daw muna ni Coco na maipagamot ang mata ng dating aktres.
Medyo alanganin din daw itong isalang agad-agad si Katherine dahil nagdadalang-tao ito.