Advertisers
Kung titignan ang kasaysayan ng pamunuan sa Maynila, lumilitaw na ito palang Vice Mayor-elect na si Angela Lei ‘Chi’ Atienza ay ikatlong henerasyon na mula sa angkan ng mga Atienza na magsisilbi sa isang mataas na posisyon sa lungsod.
Bago siya, nariyan ang kanyang lolo na si Hermenegildo Atienza, na naging 13th Mayor ng Maynila (July 18, 1944 to 1945) noong Liberation of Manila. Naging Vice Mayor din ito ng Maynila (1940–1944) at miyembro ng Manila Municipal Board (1934–1940).
Sumunod diyan ang kanyang ama na si Lito Atienza, pamangkin ni Hermenigildo. Nagsilbi si Mayor Lito bilang 24th Mayor of Manila at may tangan ng record bilang tanging alkalde na nakatapos ng tatlong termino (March 27, 1998 to June 30, 2007) at nagsilbi din ito bilang Vice Mayor at Manila City Council Presiding Officer (June 30, 1992 to March 27, 1998).
Marami ang ginulat ni Chi, 44, sa taas ng botong nakuha nito para sa isang baguhan sa pulitika na walang malawak na karanasan pero sumubok tumakbo sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa lungsod.
Isa siyang television host sa PTV at nag-host sa morning program na Bagong Pilipinas at kalaunan, sa Rise and Shine Pilipinas. Nagtrabaho din siya sa GMA, partikular na sa anthology show na Maynila, kahalili ng kanyang amang si former Mayor Lito.
Siya ay political science graduate sa De La Salle University at direktor ng‘Kababaihan ng Maynila,’ isang organization na itinatag ng kanyang ama upang bigyan ng kabuhayan ang mga kababaihan sa lungsod. Aktibo ring tumutulong sa organisasyon ang kanyang ina na si Ma. Evelina Ilagan.
Nitong nakaraang eleksyon ay matunog nang tatakbo si Chi bilang konsehal sa fifth district ng Maynila, habang ang kanyang kapatid na si Ali, na dating Councilor, ay tatakbong Vice Mayor. Gayunman, naalukan ng posisyon sa national government si Ali kung kaya’t si Chi ang humalili sa kanya bilang kandidatong vice mayor.
Ngayong si Chi ay papasok na bilang Vice Mayor ng Maynila, napakalaki ng trabahong susuungin niya, lalupa’t siya ay isang babae at baguhan sa pulitika..
Bilang Vice Mayor ay magsisilbi din siya bilang Presiding Officer ng Manila City Council na ang trabaho ay lumikha ng local laws at magpasa ng mga kinakailangang ordinances at resolutions upang gumulong ang ilang programa ng lungsod.
Ang pinakamalaking bentahe at kaibahan ni Chi sa ibang naging baguhan sa City Hall ay ang pagkakaroon ng sapat na background at gabay mula sa kanyang mga kaanak, para magawa nang maayos at mabuti ang kanyang mga tungkulin.
Bukod sa ang kanyang asawang si Von Valdepeñas ay dating Konsehal sa Los Banos, Laguna, nariyan din ang kanyang mga kapatid na sina Kim at Ali na kapwa dating Konsehal sa fifth district ng Maynila at ang kanyang kapatid na si Maile na kasalukuyang third district Councilor.
Higit sa lahat, nariyan ang kanyang ama na gaya ng aking tinuran, ay siyam na taong naging alkalde ng Maynila matapos magsilbi bilang Vice Mayor at Council Presiding Officer.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.