Advertisers

Advertisers

Pulis tinaga ng praning sa Parañaque City

0 39

Advertisers

Sugatan ang isang rumespondeng pulis nang pagsasaksakin at pagtatagain ng nag-amok na salarin sa Parañaque City noong Biyernes ng umaga, Mayo 23.

Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital upang mabigyang lunas ang tinamong sugat sa ulo at katawan ang biktimang pulis na nakilalang si Police Staff Sergeant (PSSg) Carlo Sotelo Navarro, 45, na nakatalaga sa BF Homes Police Substation (SS-5).

Kinilala naman ng Parañaque City Police ang nadakip na si alyas Arnold, residente ng Creek Drive 2, Parañaque City.

Base sa natanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Joseph Arguelles, naganap ang pag-aresto sa suspek 10:45 ng umaga sa Barangay San Antonio, Parañaque City.

Ayon kay Arguelles, nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang SS-5 tungkol sa isang nagwawalang indibidwal na armado ng patalim na naghahasik ng takot sa Creek Drive 1, Valley 8, kaya agad na rumesponde si Navarro kasama si PSSg Maret at mga miyembro ng Barangay San Antonio Peacekeeping Action Team (BPATs).

Habang pinapakalma ng mga rumespondeng pulis ang agresibong salarin, biglang bumunot ito ng patalim at walang habas na pinagsasaksak at pinagtataga si Navarro, na nasugatan sa ulo at dibdib.

Sa kabila ng pag-atake kay Navarro, mabilis na naaresto ang suspek, habang isinugod naman sa ospital si Navarro, kung saan siya kasalukuyang nagpapagaling sa mga tinamong sugat.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ang suspek, na nahaharap sa kasong attempted murder.