Advertisers
HINDI natitinag si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, at napakatibay ng kanyang paniniwala na mananatili sa puwesto si Senator Chiz Escudero bilang Senate President sa pagpasok ng 20th Congress.
Oo! kumpiyansa si Jinggoy na walang mangyayaring leadership change sa bagong Senado kahit pa may grupo na lantarang gumagalaw, partikular dito ang grupo nina Senators Loren Legarda, Migz Zubiri, Tito Sotto at Ping Lacson. Pinaghatian na nga agad nila ang ilang Senate committees.
“Everything is still possible. Everything is still fluid. I’ve been a witness to that and everything is still fluid. But I’m confident probably Senate President Escudero will still retain his position as the Senate president,” say ni Jinggoy.
Para sa Senate President Pro Tempore, lamang na lamang na agad si Escudero dahil may legal background ito dahil ang Senate President ang siyang magiging presiding officer sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Malayong-malayo naman talaga ang kalidad ni SP Chiz kung ikukumpara kay Tito Sen na napabalitang bumalik nang host sa Eat Bulaga para maka-reunite sina Vic Sotto at Joey de Leon. Mas bagay na host at comedian ang bagong halal na senador. Hehe…
Si SP Chiz, tahimik pero marami na ang kanyang nagawa. Sa mga nagdaang buwan, ipinakita niya kung paano pamunuan ang Senado ng mayroong disiplina, respeto at maayos na pamamahala.
Sa dami ng kanyang taon sa serbisyo, sa Kamara man o Senado, pinatunayan na ni Chiz na kaya niyang pamunuan hindi lang ang mga diskusyon kundi pati ang institusyon. Matalas mag-isip, malinaw magsalita, at marunong makinig. Yan ang reputasyon niyang dala sa loob ng Senado.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno nitong mga nakaraang sesyon, nakita ang pagsasaayos ng mga proseso, ang pagtutok sa makabuluhang batas, at ang pagbabalik ng disiplina sa plenaryo. Maging mga empleyado sa Secretariat ng Senado ay inalagaaan ni Chiz. Tiniyak niya ang pagkakaroon ng patas at makatarungang pag-angat ng estado ng bawat tauhan ng Senado.
Kaya naman hindi na nakapagtataka kung bakit may mga kasamahan siyang tahasang nagpahayag ng suporta sa kanya, gaya ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.
Kaya three more years for SP Chiz!!!
***
SA kasalukuyang kalagayan, unti-unti nang lumilitaw ang mga bitak sa loob mismo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) — at sinisisi ng ilan ang pamumuno ng pinuno ng Department of National Defense.
Sa isang matapang na pahayag sa radyo, ibinunyag ng batikang mamamahayag na si Deo Macalma ang umano’y lumalalang pagkadismaya sa hanay ng militar.
Ayon kay Macalma, may umiiral na restiveness o pagkabahala sa loob ng AFP bunga ng umano’y kahinaan sa pamumuno ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr.—partikular sa kanyang mga desisyong kaduda-duda, hindi epektibong pamamalakad, at labis na panghihimasok sa mga internal na usapin ng militar.
Hindi ito basta tsismis. Ang pinakahuling Local Absentee Voting (LAV) para sa AFP at PNP ay nagsiwalat na ang karamihan sa unipormadong personnel ay bumoto pabor sa oposisyon sa pamumuno ni dating Pangulong Duterte. Isang malinaw na mensahe ito ng protesta laban sa kasalukuyang administrasyon.
Kapag ang hanay ng militar na inaasahang neutral ay nagpapahayag ng halos iisang saloobin sa pamamagitan ng balota, dapat na itong ituring bilang alarma.
Batay sa mga dokumentong lumutang, may mga ulat ng pagtanggal sa senior officers ng walang due process, pagbalewala sa mga rekomendasyon ng Board of Generals (BOG), at pag-promote ng mga kaduda-dudang personalidad na malapit sa kalihim. Kung mapatutunayan, hindi lamang ito kapalpakan sa pamumuno kundi posibleng paglabag sa batas.
Sa ilalim ng Republic Act No. 3019, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, may ilang probisyong tila tumutugma sa mga alegasyon:
Seksyon 3(e) – pagbibigay ng hindi makatarungang pabor sa pamamagitan ng lantarang pagkiling o kapabayaan, tulad ng pagpabor sa mga hindi kuwalipikado.
Seksyon 3(a) – panghihikayat sa isang matataas na opisyal, gaya ng Pangulo, na pumirma sa mga rekomendasyong labag sa umiiral na patakaran.
Seksyon 3(c) – tumutukoy sa pagtanggap ng benepisyo o pakinabang kaugnay ng mga kontrata ng gobyerno — bagay na lalong naging kahina-hinala sa gitna ng mga ulat ukol sa mga “big-time dealers” na madalas sa opisina ng AFPSEMO.
Maaaring may paglabag din sa RA 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Ang pagiging propesyonal, makatarungan, at tapat sa tungkulin ay inaasahan sa bawat opisyal. Ngunit kung paninira, pagbibigay ng pabor, at ‘power tripping’ na ang umiiral, tila kailangan nang muling suriin ang pamumuno sa DND.
May usapin rin ng usurpation of authority — kung sakaling nalamang inaangkin ng kalihim ang mga kapangyarihang eksklusibong nakalaan sa Pangulo o sa Board of Generals. Isa itong seryosong paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code.
Para sa kapakanan ng pambansang seguridad, panahon nang tanungin ng Malacañang: Si Secretary Gibo Teodoro pa ba ang tamang tao sa posisyong ito? O siya na mismo ang bumigat na pasanin na hindi na natin kayang indahin?