Advertisers
Noong Hulyo 19, 2024, naglabas si Governor Humerlito “Bonz” Dolor ng Notice to Proceed sa Southern Concrete Industries, Inc. at Pasig River Expressway Corporation para sa pagpapatupad ng “Large-Scale Dredging Project” sa Balete River sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro.
Base sa social media post ng Mindoro Today, ang Southern Concrete Industries ay ang cement manufacturing arm ng San Miguel Corporation.
Ang Pasig River Expressway Corporation naman ay itinatag upang pamahalaan ang panukalang Pasig River Expressway (PAREX), isang 19.37-kilometrong elevated tollway project sa ilalim ng joint venture ng San Miguel Corporation at Philippine National Construction Corporation.
Ayon sa dokumento ng proyekto, aabot sa 38.47 milyong cubic meters ng materyales (lupa at buhangin) ang huhukayin. Ngunit 0.75 milyon lamang—o 1.95%—ang aktuwal na magmumula sa Ilog Balete.
Ang natitirang 37.72 milyong cubic meters, o 98.05%, ay huhukayin mula sa tinukoy na “navigational waterway.” Batay sa Notice to Proceed, tiyak ang mga lugar ng paghuhukay batay sa geographic coordinates—mga puntong tila lumalampas umano sa ilog at sumasaklaw sa mga baybaying dagat o bahagi ng karagatan malapit sa Gloria.
Ang malawakang paghuhukay sa ilalim ng dagat o baybayin ay maaaring makaapekto sa kalikasan, hanapbuhay ng mga mangingisda, at kaligtasan ng komunidad. Maaaring may makatuwirang layunin ang proyekto ito na dapat linawin sa publiko,—lalo na ang pagkakaiba sa ipinapakitang layunin kumpara sa aktuwal na lawak ng operasyon.
Hanggang sa ngayon, walang naitalang barangay-level consultation o detalyadong Environmental Impact Study na bukas sa publiko tungkol sa proyektong ito.
Ang mga kumpanyang sangkot ay mas kilala sa imprastruktura at konstruksiyon kaysa sa rehabilitasyon ng ilog o kapaligiran. Hindi ito direktang indikasyon ng iregularidad, ngunit kung 98% ng huhukayin ay nasa labas ng ilog, may karapatan ang taumbayan na magtanong. Tulad ng:
May sapat bang konsultasyon sa kalapit na komunidad at sa bayang nakakasakop sa area ng dredging?
Saan dadalhin o gagamitin ang makukuhang buhangin at lupa?
Magkano ang income o papasok na kita sa barangay at local na pamahalaan ng Gloria?
May mga sapat bang pananggalang para kalikasan at kabuhayan ng local?
Karapatan ng bawat mamamayang mindoreño na malaman ang detalye ng mga river dredging at rehabilitation project na ito. Para sa isang proyektong ganito kalaki, hindi ito opsyonal—ito ay obligasyong sagutin ng mga nanunungkulan lalo na ni Governor Dolor dahil malinaw na hindi ito “river dredging project” kundi isang “sea sand mining” operation na pinangangambahan ng libu-libong mga residente sa lugar.
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com