Advertisers
IKINABAHALA ni incoming Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ang naging desisyon ng Senado na ilipat ang presentasyon ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte mula Hunyo 2 hanggang Hunyo 11 sa gitna ng mga haka-haka na “dead on arrival” na ito kapag nakarating na sa Senado.
Naniniwala kasi si De Lima na nakakuha ng dagdag na puwersa sa Senado si Vice President Duterte matapos ang mid-term elections.
“May mga bulong, na hindi na raw uusad ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. ‘Dead on arrival daw. Kulang daw sa boto. Tapos na bago pa magsimula.’ Maging ang Pangulo, ninanais na ipakita na wala siyang kinalaman o kagustuhan dito,” paha- yag ni De Lima sa Agenda news forum sa Club Filipino.
“Pero malinaw ang tanong: Susundin ba natin ang proseso, o tatalikuran ito dahil sa takot o kalkulasyon?” tanong niya.
Sa ilalim ng konstitusyon, kinakailangan ang two-thirds na boto sa 24 miyembro ng Senado o 16 na boto upang ma-convict at mapatalsik si Duterte.
Sa panig naman ni Duterte, kailangan niya nang hindi bababa sa siyam na boto para maabsuwelto at manatili sa pwesto.
“Let the case be heard. Let the evidence be tested. Let truth rise—as it must, as it will,” ani De Lima.
“Kung talagang walang sapat na batayan ang mga akusasyon, ang ebidensiya mismo ang magpapakita niyan. Hindi ang tsismis. Hindi ang takutan. At lalong hindi ang numero sa survey,” diin pa ni De Lima.
Samantala, binuweltahan naman ni Senate President Pro Tempre Jinggoy si De Lima na nagsabing nakarinig siya ng “mga bulong” na hindi na itutuloy ang impeachment trial ni VP Sara.
Inakusahan ni Estrada si De Lima na nag-ga-”grandstanding.”
Binigyang-diin ni Estrada na hindi tatalikuran ng mga senador ang tungkulin sa Konstitusyon na pakinggan ang kasong impeachment laban sa bise presidente.
Matatandaang inilipat ni Senate President Francis Escudero ang iskedyul ng pagsisimula ng impeachment proceedings laban kay VP Sara sa Hunyo 11 sa halip na sa Hunyo 2 upang unahin ang mga priority legislative measures bago mag-adjourn ang 19th Congress. (Mylene Alfonso)