Advertisers

Advertisers

Pahayag ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ni Mayor Ruffy Biazon, ukol sa promulgation ng kaso sa Sandiganbayan

0 55

Advertisers

Iginagalang po namin ang naging desisyon ng Sandiganbayan. Bahagi po ito ng proseso ng ating hustisya.

Gayunpaman, ikinagulat po natin ang hatol kay Mayor Ruffy Biazon sa kasong paglabag sa Republic Act 3019—lalo na’t nauna na siyang na-abswelto sa isang kaugnay na kaso hinggil sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang nasabing kaso ay ibinasura ng Sandiganbayan sa pamamagitan ng demurrer to evidence, dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Umaasa po tayo na gaya ng mga naunang kaso ay maa-abswelto rin si Mayor Ruffy. Sa ngayon, tatlo sa apat na kasong isinampa laban sa kanya ay naibasura na—isa mula sa Ombudsman at dalawa sa Sandiganbayan. Batid naming bahagi ito ng masalimuot na proseso ng batas, kaya’t buong paggalang at pananampalataya naming gagamitin ang lahat ng posibleng ligal na remedyo. Maghahain tayo ng Motion for Reconsideration upang hilinging muling pag-aralan ng Sandiganbayan ang desisyon, at patuloy nating isusulong ang mga ligal na hakbang upang ganap na malinis ang kanyang pangalan.

Ayon nga kay Mayor Ruffy, patuloy niyang itataguyod ang batas—ang parehong batas na nagbibigay sa kanya ng karapatan at espasyo upang linisin ang kanyang pangalan at ipagtanggol ang sarili laban sa mga paratang.

Mahalagang linawin na hindi pa pinal ang desisyong ito. Mananatiling halal na Punong Lungsod si Mayor Ruffy, at magpapatuloy ang kanyang panunungkulan.

Hindi siya tumigil noon, at lalong hindi siya titigil ngayon. Patuloy siyang maglilingkod nang buong puso—may malasakit, may dignidad, at may integridad. Sa kabila ng mga pagsubok, nananatiling matatag ang pamahalaang lungsod. Tuloy ang mga programa. Tuloy ang serbisyo. At higit sa lahat, tuloy ang ating kolektibong pangarap para sa Muntinlupa—isang lungsod na makatao, maunlad, at matibay ang pagkakaisa.