UdM prexy binati Mayor Honey sa mabilis at maayos na distribusyon ng P3K allowances
Advertisers
BINATI ni Mayor Honey Lacuna si Universidad de Manila (UdM) President Dr. Felma Carlos-Tria sa mabilis at maayos na distribusyon ng mga allowances para sa estudyante na umaabot sa P3K bawat isa.
Ang nasabi halaga, ayon kay Lacuna ay sakop ang mga buwan ng Enero hanggang Marso 2025.
Nabatid kay Tria na ang manual payout sa mga allowances ng estudyante ay ginawa noong May 28 hanggang 31 nang walang gusot.
Sa ilalim ng sistemang ginagamit noon pa, ang distribusyon ng mga allowances para sa mag-aaral ng UdM ay ginagawa kung saan naka- schedule ang bawat college.
Sinabi ni Tria na ang kabuuang bilang ng mga estudyante na tumanggap ng P3,000 bawat isa ay 10,115 para sa kabuuang halaga na P30,345,000.
Kasabay din halos ng UdM, may 8,000 mag-aaral mula naman sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang tumanggap din ng parehong halaga, pero sa pamamagitan ng kanilang debit card accounts.
Ang dalawang pamantasan na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan at ang P1,000 monthly allowance na natatanggap ng mga mag-aaral ay alinsunod sa social amelioration program (SAP) ng lungsod na nagkakaloob ng monthly cash assistance para sa senior citizens, solo parents at persons with disability. (ANDI GARCIA)